IKINUKUMPARA ni Sen. Ping Lacson ang paglalaan ng public funds sa Philippine Southeast Asian games Organizing Committee sa pork barrel scam ni Janet Napoles. Bakit? Si Napoles ay nagsustento ng malaking halaga ng pondong bayan sa mga pekeng proyekto ng mga ghost institutions sa pakikikutsaba ng ilang tiwaling mambabatas.
Ang PHISGOC ay lehitimong samahan na nangangasiwa sa napakalaking international sports event na magbibigay ng karangalan sa Pilipinas. Parang ikinukumpara ni Lacson ang masarap na mansanas sa bulok na kamatis. Nirerespeto ko at hinahangaan si Lacson pero hindi sa ganitong pahayag na matatawag na fake news.
Binabato ng mga mapanirang pekeng impormasyon ang 2019 SEA Games. Una, nag-akusa si Sen. Franklin Drilon na overpriced ang Php 45 milyong cauldron na likha ng isang national artist. Sinundan pa ito ng mga report sa aberya sa pag-estima sa mga foreign athletes pati na ang pagpapakain umano ng “kikiam” na hindi totoo, sapagkat ang isa sa maraming masarap na pagkaing inihanda ng hotel sa buffet table ay hindi kikiam kundi chicken sausage. Malinaw na political demolition ito.
Ang aberya ay normal saan mang bansa idaos ng SEA Games. Ang PHISGOC ay nakapagpatupad ng mga proyekto para sa SEA Games. Maayos ang mga sports facilities at mga gamit ng mga atleta. Mismong mga international organizations ay kumbinsidong world-class at naaayon sa Olympic standard ang mga ito. Si Lacson mismo ang nagsabi na kinunsulta ni Cayetano ang Commission on Audit (COA) sa bawat hakbang ng PHISGOC sa paggamit ng pondo.
Dati nang namahala ang PHISGOC sa mga idinaos na SEA Games tulad noong 2005 nang huling naghost ang Pilipinas ng palarong ito. Kahit private foundation ang PHISGOC, 80 percent ng mga miyembro ay mga government officials. May representasyon ang Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee sa PHISGOC.
Naipakita rin sa Senado ni Cayetano, ang breakdown ng pinaggamitan ng P1.5 bilyong pondo. Hindi direktang hinawakan ng PHISGOC ang pondo dahil inirekomenda ni Cayetano na Department of Budget and Management ang hahawak nito. Sa kabila nito’y ang PHISGOC ang kumilos para mapabilis ang paghahanda sa SEA Games at matiyak na matutuloy ito.
Tiniyak ni Cayetano na pagkatapos ng palaro ay handa siyang humarap sa imbestigasyon para lumitaw ang katotohanan. Sineguro din niya na magkikipagtulungan sila, pero habang ginaganap ang torneo, huwag namang magpakalat ng fake news at pagtuunang-pansin na lang ang pagsuporta sa ating mga atleta at matagumpay na paghohost ng SEA Games.