^

PSN Opinyon

Kinulam daw (Unang bahagi)

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

ANG mga kriminal ay mananagot sa batas bilang prinsipal o kaya ay kasabwat (accomplice/accessory).

Ang pangunahing akusado o prinsipal ang may direktang partisipasyon sa ginawang krimen o kaya ay siya ang nag-udyok sa iba para gawin ang krimen o siya ang gumawa ng bagay na naging daan para magtagumpay ang krimen dahil hindi mangyayari ang krimen kundi dahil sa kanyang ginawa. Sa kasong ito ay hindi malinaw na pinakita kung ano ang naging parte ng mga akusado sa nangyaring krimen dahil isa lang ang umatake sa biktima, siya lang ba ang dapat managot bilang prinsipal? Isa ito sa mga isyung tinatalakay sa kaso. Pinag-uusapan din ang tungkol sa tinatawag na mitigating circumstance na maaring makabawas sa bigat ng sentensiya tulad ng hindi talaga sinadyang gawin ang krimen o kaya ay nagawa lang ang krimen dahil sa matinding galit.

Ang kasong ito ay tungkol kay Miguel at sa kaibigan na si Ramon na parehong nakatira sa isang liblib na barrio sa isang bayan sa norte. Kasal si Miguel sa matagal na niyang kasintahan na si Alma na mahal na mahal niya. Isa rin sa mga residente ng barrio ay si Aling Maria, isang sisenta anyos na matandang babae na isang pinaniniwalaang mangkukulam sa barrio.

Isang gabi, nagkasakit si Alma sabay ng pagtatahulan ng mga aso at pag-iingay ng mga baboy sa kanilang bakuran. Ang suspetsa ni Miguel ay kinulam ni Aling Maria ang asawa kaya nagpasama siya kay Ramon sa bahay ng matanda.  Inabutan nina Miguel at Ramon si Aling Maria na nagsisibak ng kahoy malapit sa bahay nito. Pinagbibintangan niya na si Aling Maria ang kumulam sa kanyang asawa. Paulit-ulit din niyang hinampas ng kahoy ang pobreng babae sa iba’t ibang parte ng katawan nito habang hawak naman ni Ramon ang kamay ng babae para hindi makalaban sa kaibigan.

Narinig naman ni Mang Gimo na asawa ni Aling Maria ang pagkakaingay kaya lumabas ng bahay ang lalaki para tingnan ang nangyayari. Kitang-kita ni Gimo ang asawa na kinakaladkad ni Ramon at pinaghahampas ni Miguel. Agad na bumaba ng hagdan si Gimo para sumaklolo sa asawa pero hinarangan siya ni Miguel at tinakot na siya naman ang susunod na bubugbugin kapag nakialam siya. Kinaladkad at binugbog ng dalawang lalaki ang pobreng matanda papunta sa bahay ng konsehal na si Rez na kamag-anak din ni Maria. Nang makarating sa bahay ng konsehal ay inutusan nito ang isa sa mga tauhan na kunin ang mga gamit na pangkulam ng matanda. Pagbalik ng mga tauhan ay dala na nito ang isang bote ng alak at isang botelya ng langis. Ang konsehal mismo ang sumulat sa isang papel tungkol sa ginagawa umanong pangkukulam ng babae sa asawa ni Miguel na si Alma. Sapilitang pinatatakan kay Aling Maria ang dokumento.

Samantala, nagpunta si Mang Gimo sa bahay ng isang kapitbahay para humingi ng tulong. Sinundan nila sina Miguel at Ramon sa bahay ni Konsehal Rez at nadatnan nila si Aling Maria na nakahandusay sa bakuran sabay bumubulong na malapit na siyang mamatay. Walang nagawa si Mang Gimo kundi lapitan at yakapin ang asawa. Nag-aagaw buhay man ay nagawang sabihin ni Maria ang tungkol sa ginawang pambubugbog sa kanya na dahilan ng pagkakadurog-durog ng ngipin ng babae. Pati si Gimo ay hindi nakaligtas at sapilitang pinapirma sa dokumento.

Tuluyang namatay si Aling Maria noong gabing iyon sa mismong bahay ni Konsehal Rez. Sa pagsusuri ng bangkay ay napag-alaman na nagkaroon siya ng bali sa kanang tadyang, nagkaroon ng pagdurugo sa loob ng katawan, sugat sa kaliwang dibdib, putok na nguso,  pati sari-saring bugbog at pasa sa kanan pati kaliwang panga. (Itutuloy)

BATAS

KASABWAT

KRIMINAL

MANG GIMO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with