NOONG bata pa ako, naririnig ko na ang salitang kanto na “Iwas Pusoy’. Ngayon sa paparating na bagyo maraming nananalangin ng “Iwas Tisoy’’, dahil nasa kasagsagan ang Southeast Asian Games. Ito ang tinatawag na natural climate change. Walang nakaaalam kung kailan parating kaya sa hindi maiwasang pangyayari ipagdasal na lang natin na sana umiwas si Tisoy.
Sa kabilang banda kailangan din natin si Tisoy lalo na’t may dala siyang maraming ulan upang mapunuan ang kulang na tubig sa Angat Dam. Hindi naman kaila sa ating lahat na ngayon pa lamang ay may anunsiyo nang may water shortage sa 2020 kung hindi madaragdagan ang tubig sa Angat na pangunahing nagsusuply ng tubig sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan. Sa dam din na ito kumukuha ng tubig ang mga bukirin sa Bulacan kaya mahirap din sabihin na “Iwas Tisoy’’.
Sabi ng PAGASA, may posibilidad na lalakas pa ang Bagyong Tisoy kapag nakapasok na sa bansa. Ang panalangin ko lamang, sana huwag higitan ni Tisoy ang mga bagyong Ondoy at Yolanda. Ganunpaman, habang hindi pa tumatama, ang pinakamainam na gawin ay paghandaan ito tulad ng ginawa ng dalawang magigiting na gobernador ng Sorsogon at Bicol Region. Ngayon pa lamang ay nagsususpinde na sila ng mga klase sa Lunes at Martes na araw ng pagpasok ni Tisoy sa bansa. Tayong mga taga-Metro Manila ay kasama rin sa tatahakin ni Tisoy kaya habang maaga pa. paghandaan natin ito.
Para sa akin mas importante si Tisoy, kailangan nating lahat ang tubig na dala ng bagyo. Naranasan nating lahat noong nakaraang summer ang hirap ng walang tumutulong tubig sa mga gripo. Paralisado ang mara-ming negosyo. Puwede namang ipagpaliban ang palaro. Alam kong maiintindihan ‘yan ng mga atleta dahil nga sa nararanasan nating climate change.