Bukas ay opisyal nang magbubukas ang 30th Southeast Asian Games. Dito na magsisimula ang pakikipagtagisan ng lakas ng mga atletang Pinoy. Magpapakita na sila ng angking husay sa iba’t ibang larangan ng palakasan. Ibubuhos na lahat para makakuha ng inaasam na medalya. Hihigitan ang mga nakamit sa nakaraang Asian Games. At ang panalo nila ay panalo rin ng bansa. Ang kanilang tagumpay ay tagumpay ng bawat Pilipino.
At magkakaroon lamang ng inspirasyon ang mga atletang Pinoy kung lubos silang susuportahan ng mga kababayan. Walang ibang mag-aangat sa kanila kundi ang mga kababayan. Lubos silang maniniwala sa kakayahan kung ibubuhos ng sambayanan ang pagkilala sa kanilang kakayahabn. Mahalaga na ipagsigawan ang walang hanggang suporta sa kanila. Makakaya nila kahit gaano pa kahirap ang pakikipagkumpitensiya.
Itigil na muna ang pagsisisihan o pagtuturuan at sa halip magtulung-tulong para ganap na maisaayos ang lahat ng gusot. Saka na lamang magkaroon ng imbestigasyon sa sinasabing mga pagkukulang, kawalan ng koordinasyon, kulang sa pagkain, tirahan at ang sinasabing katiwalian. Maari naman itong gawin pagkaraan ng event. Saka na lamang ito pagtuunan ng pansin.
Ang mahalaga ay maipakita ang pagkakaisa. Sinasabing ang pagkakaisa sa panahon nang pakikipagkumpetensiya ay mahalagang sangkap para sa ikapagtatagumpay ng sinuman. Marami na ang nagtagumpay dahil sa pagsasama-sama at pagtutulungan.
Ibigay ang todong suporta sa mga atletang Pinoy. Makakaya nila dahil marami ang dumadalangin sa kanilang tagumpay. Ang panalo nila, panalo nating lahat.