EDITORYAL - Ituon sa Mindanao ang bakuna vs polio
MGA bata sa Mindanao ang nabibiktima ng polio at nararapat na sa rehiyon na ito magpokus ang Department of Health (DOH). Unahin muna ang mga bata na nasa liblib na lugar sapagkat ang mga ito ang nabibiktima. Sila muna ang dapat mapatakan.
Sa report ng DOH, walong kaso na ng polio ang naitala at pawang galing sa Mindanao. Ang pangwalong kaso ng polio ay naitala sa Basilan kung saan isang siyam na taong gulang na bata ang biktima. Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang bata ay hindi pa nabibigyan o napapatakan kahit minsan man ng kahit anong bakuna laban sa polio. Ayon sa DOH target nilang mabakunahan ang 5.2 milyong bata sa Mindanao.
Nagsimula ang polio vaccination noong Oktubre 14 at magpapatuloy hanggang Enero 18, 2020. Kabilang sa mga lugar na babakunahan ang mga bata ay ang National Capital Region, Lanao del Sur, Marawi City, Davao City at Davao del Sur.
Mapanganib ang polio kaya nananawagan ang Department of Health (DOH) sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak na wala pang limang taong gulang, nabakunahan man ito o hindi pa. Libre ito.
Ang polio virus ay makikita sa mga imburnal, poso negro o sewage. Nadiskubre ito makaraang magsagawa ng testing sa Manila sewage ang Department of Health (DOH) noong Agosto at nagpositibo sa virus. Sabi ni DOH Secretary Francisco Duque III, kapag nabakunahan ang mga bata, 95 percent na silang ligtas sa polio.
Idineklara na ang Pilipinas ay polio free mula pa noong 2000 subalit bumabalik ang virus dahil sa maruming kapaligiran. Marami pa rin ang walang sariling kubeta at kung saan-saan lamang dumudumi. Kaya ang panawagan ng DOH sa mamamayan, maging malinis para hindi mabuhay ang virus. Kailangang mapanatili ang proper sanitation.
Itutok sa Mindanao ang pagbabakuna sa mga bata para maprotektahan sila laban sa polio. Karaniwang ang mga mahihirap na pamilya ay hindi na napapabakunahan ang kanilang mga anak. Hindi sila nai-informed at ang iba naman ay natatakot pabakunahan ang mga anak dahil sa kontrobersiya ng Dengvaxia. Gawin ng DOH ang lahat nang paraan para mabakunahan ang lahat ng bata sa Mindanao.
- Latest