Sayang si Leni
HINDI pa man nag-iinit sa kanyang kinauupuan bilang co-chair ng Inter-agency Committee on Anti-Drugs (ICAD) si Vice President Leni Robredo, sinipa na agad sa puwesto ni Pres. Digong Duterte. Kung maalaala n’yo, hinamon ni Digong si Leni na bibigyan niya ito ng anim na buwan para sugpuin ang droga.
Hindi sukat akalain ng mga taga-administrasyon na kinagat ni Leni ang hamon ni Digong. Iba’t ibang reaksiyon ang lumabas, may nagsabing pain lang ito ng administrasyon kay Leni. Pero meron din nagkagusto sa desisyong iyon tulad ng simbahan at human rights dahil ayon sa kanila maiiwasan na ang patayan sa bansa.
Pero isang iglap lang binawi agad ang posisyong iniatang sa kanya. Siguro nakita nila na nagpapakitang-gilas agad si Leni. Napikon si Digong sa mga pakikipagpulong ni Leni sa opisyal ng United Nation at US Embassy. Para sa akin walang mali rito dahil ang illegal drugs ay international problem. Nagulat sila sa magandang performance sa unang araw pa lamang bilang co-chair ng ICAD. Kaya bago umarangkada si Leni, pinutol na agad ni Digong ang tali.
Sa ganitong mga pangyayari malabo na talagang magkasundo ang administrasyon at taga-oposisyon. Sa mga opinion pa lamang ay talagang magkasalungat na ng paniniwala. Ayon naman sa Vice President, ipagpapatuloy niya ang naumpisahang trabaho kahit hindi na miyembro ng ICAD.
Sayang si Leni. Swak sana sa kanya ang trabaho sa ICAD. May posibilidad sanang mapahinto ang mga gumagamit ng droga dahil may magandang plano siya para sa mga ito. Kunsabagay, nakapuntos si Leni sa maikling paninilbihan na maaring magamit sakaling tumakbong Presidente sa 2022. Malay natin.
- Latest