Ang bawat kasamaan ay may hangganan. Anumang panlolokong ginawa mo sa kapwa ay siguradong may balik, may kahihinatnan. Malas lang ng mga dorobong naisusumbong sa BITAG. Kung matakbuhan man nila ang mga biktima at kasong isinampa, hindi naman sila makapagtatago.
Etong isang manggagantso na binisita namin kamakailan sa Biñan, Laguna. Itinago ng kanyang inang empleyado ng Bgy. Mamplasan. Oo, kasama ng aming mga grupo ang mga pulis at kawani ng barangay. Subalit hindi naman siya inaaresto, iniimbitahan lamang siya para harapin ang kanyang mga biktima.
Layunin lamang ng BITAG na bigyan ng pagkakataon ang inirereklamo na sagutin ang mga sumbong laban sa kanya. O ‘di naman kaya ay bigyang-linaw ang paratang ng mga nagrereklamo. Subalit, kabaliktaran ang nangyari. Ang ina niyang taga-barangay at kapatid na lespu ang humarang sa mga biktima’t BITAG.
‘Wag daw namin istorbohin ang kanyang anak dahil mai-stress ito! Ang kakatwa, nai-surveillance pa namin si Kolokay na tao sa tindahan at ilang minuto lang, nagtago na ito na tila dagang nakakita ng pusa! Sabagay, sino ba naman ang hindi magtatago lalo na’t galit na galit na mga nagrereklamo ang haharapin mo. Hindi kasi simpleng panggagantso ang reklamo laban sa kanya, milyong piso ang kaniyang atraso sa mga biktima.
Pakilala kasi nitong si Jasmin Mane Galicia, supplier daw siya ng cell phone. Ang kanyang mga biktima na maliit na nagnenegosyo, nasilo niya mula sa isang social media site. Sa unang order, naibigay pa ni Kolokay ang mga cell phone. Pero sa sunod na transaksiyon, matapos kubrahin ang pera ay laking gulat ng mga biktima ng i-block na sila nito.
Patas kami mag-imbestiga kaya nga’t bumiyahe pa ang grupo ng BITAG mula Quezon City pa-Biñan, Laguna. Ang misyon lang namin, pagharapin ang inirereklamo at mga nagreklamo. E, etong epal niyang ina na nagtatrabaho pa naman sa barangay, kapatid na lespu at ninong na konsehal umano sa Biñan, umentra. Pinagtago, ‘di pinalabas ang kolokay, naghamon pang magsampa na lang ng kaso.
Sinayang nila ang pagkakataong binigay namin na makapagpaliwanag at ayusin sana ang problema. Maaari pang makipagkasundo ang mga biktima kung humarap lamang siya saksi ang mga pulis at kawani ng barangay. Pero pinili ng inirereklamo na tumakbo’t wag harapin ang mga taong niloko. Sige takbo ka lang, pero ‘di ka na makapagtatago dahil alam na ng publiko ang apat na kanto ng mukha mo.
Pansamantala, magsasampa ng kasong kriminal ang mga biktima. Sa laki ng perang nagantso nitong si kolokay, hindi lang stress ang aabutin niya kapag napatunayan sa hukumang nagkasala siya. May forever sa kulungan, lalo sa mga manloloko’t manggagantso!