ANG hirap sa mga pulitiko, huwes at iba pang nakaposisyon sa gobyerno ay mga pabida at ang iba ay arogante. Akala nila sila ang dapat sundin at gawin ang anumang nais pero bawal silang hulihin pag nakagawa ng anumang violation. Ito ang isang masaklap na nakagisnan nating kultura. Hindi ko nilalahat pero maraming ganyan ngayon basta’t nasa posisyon.
Sa mga pulitiko sa kasagsagan ng kampanyahan ginagalugad nila hanggang kasuluk-sulukan ng bansa nakikibeso-beso, nakikihalubilo sa boddle fight at kinakamayan ang mga marurungis nating kababayan makakuha lamang ng boto. Ginagawa ‘yan ng mga pulitiko makakuha lamang ng posisyon sa gobyerno.
Pero pagkatapos ng halalan tapos na rin ang papel nila sa mga tao. Karamihan sa kanilang mga pangako ay napako na. Nilista na lang sa tubig.
Napabalita noong nakaraang linggo ang isang judge mula sa Nueva Ecija na gumawa ng eksena sa Baguio City. Hindi nagustuhan ng pamahalaang lungsod ng Baguio ang nangyari kaya “persona non grata” ang ginawad sa kanya.
Pumarada ang judge sa isang “no parking zone” at siyempre umalma ang isang traffic enforcer na nagpapatupad ng batas. Ginawa lang ng enforcer kung ano ang tama at kanyang tungkulin na hulihin ang mga hindi sumusunod sa batas ng Bagiuo City. Walang sinisino o pinipiling tao basta’t lumabag huli maging sino man ‘yan.
Para sa akin konting respeto naman sa ating mga kababayan na nagpapatupad ng batas sa kalsada. Hindi madali ang trabaho ng mga ‘yan nakababad sa araw at ulan minsan nabubugbog pa nga ng mga motorista.
Mga edukado kayong tao kaya alam n’yo ang batas, bakit kailangang baluktutin ito? Sino sa tingin n’yo ang mas kahiya-hiya sa paningin ng tao. Ang enforcer na nagpatupad ng tungkulin o ang aroganteng judge?