EDITORYAL - 10 taon nang naghihintay ng hustisya
NGAYON ang ika-10 taon nang pinaka-karumal-dumal na krimen sa bansa ang Maguindanao massaker. Limampu’t walong katao ang walang awang pinatay at 32 sa mga ito ay mamamahayag. Sama-sama silang inilibing sa malalim na hukay kasama ang mga sasakyan para mapagtakpan ang krimen. Pangunahing suspect ang pamilya Ampatuan. Nangyari ang masaker sa panahon ng 2010 elections. Dapat ngayong araw na ito ibababa ang desisyon subalit humiling ang prosekusyon sa Supreme Court na ipagpaliban. Pinagbigyan ng SC ang kahilingan. Sa Disyembre 20, 2019 umano ibababa ang hatol.
Sana matupad na ito sapagkat marami sa mga kaanak ang nawawalan na ng pag-asa. Hanggang kailan ang kanilang paghihintay. Kamakailan sinabi ng prime suspect na si Andal Ampatuan Jr. na wala naman daw matibay na katibayan laban sa kanya. Ang mga sinabi niya ay lalo pang nagdagdag sa kirot ng mga naulila ng mga biktima.
Noong nakaraang taon, sinabi ng Department of Justice (DOJ) na nalalapit na ang resolusyon sa kaso. Bago umano ang Nobyembre 23, 2019 ay mayroon nang resolusyon ang Quezon City Regional Trial Court (RTC). Hindi na raw magtatagal at hahatulan na ang mga akusado.
Magugunita na noong Nob. 23, 2009, kasama ang mga mamamahayag, nagtungo sa Ampatuan, Maguindanao ang convoy na kinabibilangan ng asawa, kaanak, supporters ng kandidatong si Ismael Mangudadatu para mag-file ng kandidatura sa pagka-governor, subalit hinarang sila ng may 100 armadong kalalakihan at walang awang pinagbabaril. Matapos matiyak na patay na lahat, inilibing sa nakahandang malalim na hukay. Planado ang krimen.
Sinampahan ng kaso ang pamilya Ampatuan at mahigit 100 katao dahil sa masaker. Namayapa na ang matandang Ampatuan noong 2014 at mayroon namang pinalaya na dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Marami sa mga kaanak ng mga biktima ang nangangamba dahil unti-unti umanong nawawala ang mga testigo sa karumal-dumal na krimen. Marami nang pinatay para wala nang makapagsalita sa totoong nangyari. Mayroon din umanong binayaran para umatras sa pagtestigo.
Hindi lamang mga kaanak ng biktima ang naghihintay sa resulta ng kaso kundi ang taumbayan man. Sila man ay nauuhaw sa hustisya na inabot na ng isang dekada.
- Latest