^

PSN Opinyon

Manyak ang tiyuhin (Unang bahagi)

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

SA ilalim ng batas (Rule 130, Sec. 20 Rules of Court), ang isang tao na may kakayahan na makaintindi, nakakaintindi at kayang ipahayag ang kanyang nalaman sa iba ay puwedeng maging testigo. Ito lang ang karaniwang kailangan para ang isang tao ay payagan na tumestigo sa korte.

Pero ang isang bata kaya na siya rin mismong biktima ay puwedeng maging testigo? May edad kayang tini-tingnan para payagan na maging testigo ang isang tao? Paano magiging katanggap-tanggap at kapani-paniwala ang kanyang testimonya? Ano ang mga dahilan para sabihin na imposible o hindi kapani-paniwala ang kanyang sinasabi at hindi tatanggapin sa korte? Ito ang mga isyung tatalakayin at sasagutin sa kaso.

Ang kasong ito ay tungkol kay Maya, isang pitong taong gulang na anak na babae ni Ernie. Tahimik na nakatira ang mag-ama sa iisang bubong kasama ng kapatid ni Ernie na si Lisa at ang kinakasama nitong si Dindo. Nakatira rin sa bahay nila ang kapatid ni Dindo na si Jericho.

Nabulabog ang tahimik nilang bahay nang isang hapon na utusan ni Pat, nanay nina Ernie at Lisa, si Maya na tawagin ang tiyahing si Lisa na noon ay natutulog sa kuwarto. Habang kumakatok sa pinto ng kuwarto ng tiyahin si Maya, biglang nagbukas ang katabing pinto at lumabas si Jericho. Basta na lang niya hinatak ang bata, hinubaran ng shorts at pagkababa ng pantalon ay walang awang pinagsamantalahan ang musmos.

Makalipas ang ilang oras, walang anumang nagbihis si Jericho at tinakot ang bata na huwag magsasalita kung hindi ay may mangyayari sa kanya.

Nang sumunod na araw, napansin ni Lisa ang dugo sa panty ng bata sa labahan at kinausap ang paslit. Napilitan si Maya na umamin tungkol sa masaklap na sinapit sa kamay ni Jericho.

Agad na sinumbong ni Lisa kay Ernie ang nangyari sa pamangkin. Nakita pa ni Ernie na patuloy pa rin ang pagdurugo ng maselang bahagi ng katawan ng bata.

Sinabihan ni Ernie si Lisa na manahimik at pinapunta ang magtiyahin sa presinto para magsumbong sa mga pulis samantalang siya ay naiwan para bantayan at siguraduhin na hindi makakalabas ng bahay si Jericho.

Nakita ng mga pulis ang itsura ni Maya at kumbinsido sila na ginahasa nga ang bata. Dinala si Jericho sa istasyon ng pulis at inimbestigahan habang sinuri naman ng NBI-medico legal si Maya.

Nakumpirma ng doktor na pinagsamantalahan nga ang bata. Nang isampa ang kaso sa korte, si Maya mismo ang tumayong testigo. Ipinahayag niya ang nangyari sa kanya sa kapani-paniwala, natural at malinaw na paraan tulad ng inaasahan na karanasan ng tao.

Sa kabilang banda, ang tanging depensa ni Jericho ay ang testimonya ni Dindo na kanyang kapatid. Ayon kay Dindo, siya ang tunay na ama ni Maya at dahil dito ay binabawi na niya ang kasong isinampa laban sa kanyang kapatid. Hindi tinanggap ng korte ang aktuwasyon ni Dindo.

Una, walang nakasulat na pangalan ng tatay sa birth certificate ni Maya. Pangalawa, nagbigay ng pahayag si Lisa para kontrahin ang sinabi ng ka-live in. Pinatunayan ni Lisa na ang kapatid niyang si Ernie ang tumatayong tatay at pumayag na magpalaki sa bata bilang sarili nitong anak.

Matapos timbangin ang ebidensiyang nakahain, nagdesisyon ang korte laban kay Jericho. Napatunayan na talagang ginawa niya ang krimen ng rape at hinatulan ng reclusion perpetua o halos habambuhay na pagkakulong. Pinagbabayad din siya ng danyos (moral damages) sa biktima at kanyang mga tagapagmana.  (Itutuloy)

RULES OF COURT

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with