NAALIS na ang mga obstructions sa kalye sa maraming lungsod sa Metro Manila kaya maluwag nang nakakapaglakad ang mga tao at nabawasan ang trapik. Sa Maynila at Quezon City, napapanatili ang malinis na mga kalye sapagkat wala nang vendors na umuukopa sa kalsada.
Ang tanging hindi maalis ngayon sa Maynila at QC at maging sa iba pang lungsod ay ang mga naglipanang pulubi at mga batang kalye na nanghihingi ng limos. May mga pulubing nakalupagi sa semento at nakalahad ang mga kamay para manghingi ng limos. Mayroon pang kalong na maliit na anak habang nakasahod ang kamay at umaamot ng pambili raw ng pagkain.
Ngayong papalapit nang papalapit ang Pasko, parami nang parami ang mga namamalimos sa kalye. Tiyak nang dadagsa ang mga batang kalye para manghingi ng papasko. Maraming aakyat sa mga dyipni at mag-aabot ng lukot na sobre sa mga pasahero. Mayroon din namang kakatok sa salamin ng mga pribadong sasakyan para humingi ng barya. Karaniwang tanawin na ngayon ang mga Badjao na may dalang plastic na tambol at mamamalimos sa mga pasahero ng dyipni. Kahit hindi panahon ng Pasko ay namamalimos ang mga ito.
Delikado ang ginagawa ng ilang batang kalye na sumasakay sa dyipni para manghingi ng limos sa mga pasahero. Karamihan sa kanila ay nag-aagawan para makasakay. Kapag nakahingi na, biglang tatalon mula sa dyipni. Lubhang delikado sapagkat maaaring masagasaan ng kasunod na sasakyan. Marami nang nangyaring ganito at kasalanan pa ng driver.
Hindi dapat magbigay ng limos sapagkat nagiging mitsa ng kamatayan. Maliwanag din ang sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), hindi dapat maglimos sa mga batang umaakyat sa dyipni o nagpapalimos sa kalye. Kinukunsinti lang daw ang mga batang pulubi kapag binigyan. Hindi raw titigil ang mga ito sa pagpapalimos at lalo pang magkakaroon ng lakas ng loob. Labag sa batas ang pamamalimos at nakasaad ito sa Presidential Decree 1563. Inilalagay lang sa panganib ang buhay ng mga bata kapag patuloy na nilimusan. Sa halip daw, magkaroon na lang ng feeding program sa mga ito.
Malinis na sa obstructions ang mga kalye sa Metro Manila. Dapat ang isunod ay ang pagkuha sa mga pulubi at batang kalye. Pangunahan ito ng DSWD. Gumawa ng paraan kung paano matutulungan ang mga pulubi.