MINSAN, sinabi ni President Duterte na gusto niyang maibalik ang presyong P7 bawat kilo ng bigas. Gusto niya, huwag mahirapan ang mga tao sa pagbili ng mahal na bigas. Kaya nga pinagmadali niya ang mga mambabatas na maipasa ang Rice Tarrification Law. Naaprubahan naman ang batas at gumulong na noong nakaraang Marso.
Sa pagkakaapruba ng batas, naging maluwag na ang importasyon ng bigas. Kahit sino, puwedeng mag-import basta susunod lang sa batas. Kaya ang nangyari, sobrang dami ng bigas na dumarating sa bansa. Nag-uumapaw ang bigas sa pamilihan.
Ayon sa report, malapit nang maging number one sa pag-import ng bigas ang Pilipinas. Malapit na umanong malampasan ang China sa pag-import ng bigas. Umano’y nagpapantay na ang Pilipinas at China sa 3.1 milyong tonelada ng bigas na inimport noong nakaraaang Oktubre. At maaaring malampasan ng Pilipinas ang China bago raw matapos ang 2019.
Ang nakapagtataka lang sa nangyayaring ito, sa kabila na dagsa na ang imported na bigas, ang sinasabing pagbaba ng presyo nito gaya ng sinabi ng Presidente na P7 bawat kilo ay tila isang bangungot lang. Paano’y naglalaro pa sa P37 at P40 ang kilo ng bigas. Mayroon pang P50 ang kilo. Nasaan ang sinasabing kapag naging maluwag na ang pag-import ng bigas ay bababa na ang presyo? Nagkamali ba sa liberalisasyon ng pag-i-import ng bigas?
Isa pang nakapagtataka ay ang biglang pagbagsak ng bawat kilo ng palay na ibinibenta ng mga local na magsasaka. Kung dati ay naibebenta nila ng P14 bawat kilo, may nagsasabing naibebenta lang ngayon ng P8 hanggang P9. Bakit nagkaganito?
Pag-aralan sana kung bakit hindi bumababa ang bigas at bakit mura ang palay ng mga magsasaka? Kawawa naman ang mga kakarampot ang suweldo na paisa-isang kilo lang kung bumili ng bigas.