Dog lover nga, responsable ba?

HINDI trabaho ng BITAG na manakit o mambalahura ng anumang klase ng hayop. Sa katunayan, iba’t ibang ahensiya na ng gobyerno ang nakatrabaho namin simula 2002 para makapag-rescue – mapa-alaga man yan o wild species.

Etong tinrabaho namin kamakailan sa Novaliches, Quezon City, dog owner ang inireklamo sa amin, hindi ‘yung mga aso. May mga nakaabot kasi sa tanggapan ng BITAG na wala raw kaming awa sa mga hayop.

Hello, I am a dog lover too. Pero responsableng pet owner ako. Hindi ako nakakaperwisyo ng tao’t hindi ko napapabayaan ang mga alaga ko.

Isa-isahin ko sa kolum na ‘to ang detalye ng sumbong: Isang ginang na residente ng North Olympus Subdivision, upang ireklamo ang kanyang kapitbahay na may 19 na aso.

Una, nagkakasakit na raw ang kanyang mga anak sa baho at panghi ng dumi at ihi ng 19 na aso. Ikalawa, napeper­­wisyo na rin silang magkakapitbahay sa tuwing sabay-sabay na magtahulan ang mga aso lalo na sa madaling araw.

Hindi sana makikialam ang BITAG sa problemang ito dahil andiyan naman ang Homeowner’s Association (HOA) ng North Olympus Subdivision. Kaso mo, mismong HOA ang nagsabing matagal na nilang problema ito’t hindi sumu­sunod sa kanilang kasunduan ang may-aring inirereklamo.

Ang matindi, matagal nang nakaabot ang problemang ito sa Quezon City Veterinary Department. Ayon kay Dr. Rolly Villamor, Pound Keeper II ng Quezon City Veterinary Department, umaksiyon naman sila nang matanggap ang reklamo.

Umamin sa ere, Pambansang Sumbungan live si Dr. Villamor na talagang mabaho raw ang lugar na kinalalagyan ng mga aso. Wala rin daw permit ang may-ari na makapag-alaga ng mahigit sa 4 na aso – ayon sa batas.

Nagkasundo na raw noon ang Quezon City Veterinary Department at ang inirereklamong pet owner na hahakutin na lang ang mga alagang aso nito. Subalit di naman daw ito tumupad sa usapan at binabalewala lang din ang mga tauhan nila.

Mga boss, hindi sa akin galing ang mga detalyeng ito. Mismong sa HOA ng North Olympus at sa Quezon City Veterinary Department. Kaya nanghimasok na ang BITAG dahil tila binabastos at di kinikilala ang mga otoridad at batas.

Nitong Miyerkules, kasama ang Chairman ng HOA, mga pulis at ang pinuno ng Quezon City Veterinarian Department, tinungo ng BITAG ang inirereklamong lugar. Bago mag-8:00 ng umaga, andun na ang mga BITAG field investigators, wala pa ang mga taga-veterinarian department ng siyudad.

Wala pala ang nagmamay-ari dahil nasa ospital daw ito, 11 araw na. Nag-alala rin ang BITAG sa kalagayan ng mga aso, kung 11 days nang walang tao sa bahay.

Abangan sa BITAG OFFICIAL YouTube TV Channel ang mga eksena ng inspeksiyong isinagawa ng QC Veterinarian Department sa inirereklamong pet owner. May nagpakilala pang abogado raw ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na galit na galit at gusto raw akong makausap dahil sa aksiyong ginawa namin.

Hindi naman nagpakita sa lugar o tumawag sa akin o pumunta sa aking tanggapan. Handa ako anumang oras na pakinggan ang kanyang kiyaw-kiyaw.

Mga Boss, ang pag-aalaga ng aso ay isang responsibilidad na may kaakibat na pananagutan. Pananagutan na sumunod sa bawat batas, nasyonal man o lokal patungkol sa tamang pet ownership. Hindi sapat ang pagiging mapagmahal sa alaga, matuto ring sumunod at kumilala ng mga otoridad.

Show comments