ANG pag-ampon o adoption ay isang proseso kung saan ang isang bata, maging kamag-anak man siya o hindi ng aampon, ay magkakaroon ng lahat ng legal na karapatan ng isang lehitimong anak. Ayon sa batas (Art. 336 Civil Code), ang mag-asawa ay magkasamang mag-aampon at magkatuwang na gagampanan ang pagiging magulang sa bata na parang tunay nilang anak.
Kahit sino ay puwedeng ampunin kahit pa nasa hustong edad na basta’t mas matanda ng labing anim na taon sa kanya ang aampon (Art. 337). Ang agwat nila sa edad ay kailangan para siguraduhin na nasa hustong pag-iisip na ang mag-aampon. Pero puwede kaya na ampunin ng isang ate ang kanyang kapatid na lalaki? Ito ang isyung sasagutin sa kaso nina Amanda at Macoy.
Si Macoy at Amanda ay mag-asawa na parehong Pilipino at 32 anyos. Si Macoy ay isang abogado at maraming hawak na negosyo sa iba’t ibang kompanya samantalang isang nars naman si Amanda. Wala silang anak. Pero ang mga magulang ni Amanda na sina June at Carmen ay mayroong 4-anyos na anak na ang pangalan ay Angelo.
Masakitin ang bata at hindi maganda ang kondisyon ng kalusugan. Napilitan silang ipagkatiwala ang bata kina Macoy at Amanda na siyang nag-alaga at nagpalaki kay Angelo. Nagkaroon ng matinding pagmamahal sa bata ang mag-asawa kaya naisipan nilang magsampa ng petisyon sa korte (JDRC) para ampunin si Angelo. Ang petisyon ay may basbas at kasulatan na katibayan ng pagpayag nina June at Carmen. Hinayaan din sina Amanda at Macoy na magsumite ng ebidensiya at walang naging oposisyon sa kanilang petisyon.
Kaya lang ay ibinasura ng JDRC ang kanilang petisyon sa kadahilanang magiging magulo raw ang relasyon nila dahil si Angelo na tunay na kapatid ni Amanda ay magi-ging anak niya. Ito raw ang pangunahing dahilan kung bakit hindi mapapayagan ang pag-ampon.
(Itutuloy)