EDITORYAL - Wasakin, ‘padrino system’ sa PNP

NAKAPAGTATAKA na maraming pulis na may kaso at nasibak na sa serbisyo ang muling nakakabalik sa puwesto. Kahit may kaso ng ilegal na droga, nakapagtatakang nakakabalik pa rin sa puwesto kahit pinatalsik na. Ito ang malaking problema sa Philippine National Police (PNP) na dapat lutasin ng mga namumuno particular ang hepe nito. Kung hindi ito bibigyan ng pansin, lalong babagsak ang image ng PNP sapagkat ang mga nakasuhan na --- partikular sa ilegal na droga ay muling gagawa ng kabalbalan at walang ibang masisira kundi ang PNP mismo. Sa katunayan, nasisira na nga dahil ang mga naibalik sa puwesto, gumawa na naman ng kasamaan.

Isang dahilan kung bakit nakakabalik sa puwesto ang nasibak na pulis ay dahil sa “padrino system”. Sa padrino system, kapag mayroong kilalang nasa mataas na posisyon ang pulis na nasibak, tiyak na maibabalik siya sa puwesto kahit pa nga ang kaso ay illegal drugs o nagre-recycle ng droga. Kapag ma­lakas o maimpluwensiya ang padrino, mabilis lang ang proseso at balik na agad ang nasibak sa puwesto. Ganyan lang kadali kapag may padrino o malakas na kinakapitan.

Ang mahirap sa “padrino system” lalong nalulubog sa putikan ang PNP. Kapag nakabalik na sa serbisyo ang sinibak, gagawa muli ito ng kalokohan. Halimbawa nito ay ang dalawang pulis na kabilang sa “13 ninja cops” na matapos maabsuwelto sa drug raid sa Pampanga ay inilipat sa Antipolo City at doon naman gumawa ng panibagong kabalbalan. Ang kaso ng “ninja cops” ang naging dahilan sa pagbibitiw ni dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde.

Ang kahinaan o kabulukan ng data banking system ay isa rin sa dahilan din kung bakit nakakabalik sa serbisyo ang corrupt na pulis. Dahil hindi centralized ang record ng mga pulis, hindi na nalalaman na may kaso pala ito. Nakakalusot at nare-reinstate at kapag nasa serbisyo na, gagawa uli ng kawalanghiyaan.

Ang mga ganitong problema ay hamon sa kasalukuyang OIC ng PNP na si Lt. Gen. Archie Gamboa. Wasakin niya ang padrino system at i-modernisa ang data banking system. Kapag nagawa ang mga ito, maisasaayos ang sistema sa PNP at maaaring maibalik ang nasirang imahe. Kailangan ding magkaroon nang mahusay na pamumuno at walang “bata-bata system”.

Show comments