EDITORYAL - Hinay-hinay sa paggamit ng tubig
BUMABABA na naman ang level ng tubig sa Angat Dam. Kahapon, naitala ang 186.46 meter above sea level (masl) at maaaring bumaba pa kapag nagpatuloy ang mainit na panahon. Nagpahayag na ang Maynilad Water at Manila Water na magpapatupad sila ng rotational service interruptions sa mga susunod na araw. Gagawin ito para hindi agad maubos ang tubig at umabot hanggang sa summer ng 2020. Malabo na umanong maabot ng Angat Dam ang target na 212 masl.
Bagama’t may mga dumaang bagyo sa bansa, malayo naman ang mga ito Angat Dam kaya hindi lubusang napuno ng tubig ang dam. Ayon sa PAGASA, tatlong bagyo na lamang ang maaring dumalaw sa bansa bago matapos ang 2019. Ganunman, kahit may hinihintay na bagyo, wala namang kasiguruhan kung ang dalang ulan ng mga ito ay makakasapat sa kakulangan ng tubig hindi lamang sa Angat kundi sa iba pang dam.
Kung hindi magbabago ang lagay ng Angat at magpapatuloy sa pagbaba ang tubig, talagang makakaranas ng kawalan ng tubig ang mga lugar na sinusuplayan ng Maynilad at Manila Water. Maaaring maulit ang senaryo noong nakaraang Marso na maraming residente ang nawalan ng suplay ng tubig. Grabeng naapektuhan ang mga residente sa east sector na kinabibilangan ng Mandaluyong, Pasig, Taguig at maraming bayan sa Rizal. Dahil sa kawalan ng tubig, marami sa mga estudyante ang hindi pumasok sa kanilang klase. Hindi sila makapaligo dahil sa kawalan ng tubig at walang magamit na panlaba sa kanilang uniporme. Apektado rin ang mga may negosyo dahil sa kawalan ng tubig.
Ang paghihinay-hinay sa paggamit ng tubig ang nararapat gawin ng mamamayan. Bawasan ang paggamit na kadalasang natatapon lamang. Hindi dapat mag-aksaya sapagkat walang ibang kawawa sa dakong huli kundi ang mamamayan na rin mismo. Pangunahan naman ng pamahalaan ang pagtitipid sa paggamit ng tubig.
- Latest