PALAPIT na nang palapit ang araw na iaanunsiyo ni Pres. Digong Duterte ang bagong uupong PNP chief. Isa ito sa pinakamahirap na trabaho sa gobyerno sapagkat sa mga pulis nakasalalay ang katahimikan at kaligtasan ng mga mamamayan. Kasi nga ang trabaho nila ay protektahan tayo sa mga criminal, kawatan, durugista at rapist. Hindi katulad ng AFP protektado naman tayo sa foreign invaders, terorista at mga komunista.
Maraming pulis ang namamatay dahil sa pagtupad sa kanilang tungkulin. Dangan nga lamang at natatabunan itong mabuting balita ng mga pulis scalawag at kotong cops. Sa nangyayari ngayon, lugmok ang PNP dahil mismong ang pinakamataas sa puwesto na si dating PNP chief Oscar Albayalde ay nakaladkad ang pangalan. Nakakalungkot lang dahil alam nating lahat kung gaano kasuklam si Digong sa droga at ang itinalaga niyang PNP chief ay isinasangkot sa ninja cops.
Meron nang tatlong pangalan na nakapila at isa sa kanila ang may masuwerteng kapalaran kung mapili ni Digong. Himayin, kilatisin sanang mabuti ang bagong PNP chief. Sino ba naman ang mag-aakalang si Albayalde ay meron palang nakaraang itinatagong kontrobersiya? Talagang walang lihim na hindi nabubunyag itago man ‘yan sa baul, aalingasaw pa rin ‘yan sa tamang panahon. Nung una, hanga ako sa pagpapatakbo ni Albayalde noong siya’y NCRPO Chief pa lamang. Maganda naman ang kanyang pakitang gilas.
May the best man win para sa pinagpipiliang PNP chief. Para sa akin seniority sa tatlo ay magandang piliin at may maganda ring background siyempre. Pero kilala natin si Digong sa pagpili ng kanyang tao, mas nakaaangat sa kanya ang mga taong nakasama na sa trabaho nung siya’y nasa mababang puwesto pa lamang.
Ang tanong ko ay ito, “who will the fountain bless?”