LIMA ang namatay sa 6.3 magnitude na tumama sa Mindanao noong Miyerkules ng gabi. Ang sentro ng lindol ay nakita sa silangan ng Tulunan, North Cotabato. Nadama naman sa Kidapawan City ang intensity 7. Nasunog naman ang isang mall sa Gen. Santos City makaraan ang lindol. Nakita sa mga kuha ng CCTV ang pagpapanic nga mga tao habang bumababa sa isang mall at maging sa ospital at mga gusali. Karamihan sa kanila ay hindi alam ang gagawin nang tumama ang lindol. Nakita na walang preparasyon sa pagtama ng lindol kaya marami ang nahinatakutan.
Ganito rin ang nangyari nang lumindol noong nakaraang Abril (magnitude 6.1) sa Porac, Pampanga na ikinamatay ng 11 katao. Isang supermarket ang naguho roon. Nakita rin ang pagpa-panic ng mga tao roon. Marami ang hindi malaman kung saan susuling at halos hindi alam ang EXIT. Nagpapakita lamang na walang kahandaan ang mga tao sa pagtama ng lindol. At ang resulta, ang mga namatay ay hindi sa pagyanig namatay, kundi nabagsakan at natabunan ng gumuhong istruktura.
Ang lindol na tumama sa Itbayat, Batanes noong Hulyo na ikinamatay ng siyam katao ay nakapanlulumo. Maraming bahay, simbahan at iba pang lumang istruktura ang naguho.
Karaniwang tumatama ang malalakas na lindol sa probinsiya. Ang nangyayaring ito ay isang magandang paalala sa mga namumuno na magdaos din ng earthquake drill sa probinsiya. Karaniwang sa Metro Manila lamang idinadaos ang drill na para bang hindi ito kailangan sa mga lalawigan. Bakit hindi rin gawin ito sa buong bansa.
Ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nangangasiwa sa earthquake drill bilang paghahanda sa malakas na lindol o ang tinatawag na “The Big One”.
Maaaring handa na ang ilan sa pagtama ng lindol sa Metro Manila dahil sa isinasagawang drill. Pero kulang pa ito at dapat na magkaroon pa ng mga pagsasanay para hindi magpanic. Laging ipaunawa na kapag may lindol ay huwag gagamit ng elevator sapagkat maaaring ma-trap dun kapag naguho ang gusali.
Mahalaga ang earthquake drill at sana hindi lamang sa Metro Manila magsagawa nito kundi sa probinsiya man. Kailangang maihanda rin ang mamamayan sa malayong lugar para maiwasan ang pagpa-panic.