Kahit pa tinaasan na ang suweldo ng mga pulis, marami pa rin sa kanila ang gumagawa ng kasamaan. Hindi na sila nakuntento sa kanilang suweldo at gusto pang kumamal ng pera mula sa masamang paraan. Hindi na nila binigyan ng halaga ang ginawa ni President Duterte na pagkaupung-pagkaupo noong 2016, ang pagtataas ng sahod nila ang binigyang pansin. Mas inuna pa sila kaysa sa mga guro na nagsasakripsiyo sa pagtuturo. Sayang lang ang pagtataas ng sahod sa mga pulis sapagkat karamihan sa kanila, gumagawa ng kasamaaan.
Isa sa nakakahiyang ginagawa ng ilan sa mga pulis ay ang pagre-recycle ng shabu. Ang kanilang nakukumpiskang shabu ay hindi nila sinusurender o kung may isurender man, kaunti lang. Ang bahagi ng shabu, nire-recycle nila at ibinabalik uli sa kalye para ibenta.
Ganyan ang ginawa ng 13 pulis na tinaguriang “ninja cops” na nagsagawa ng raid sa bahay ng isang drug lord sa Pampanga noong 2013. Ayon sa balita, 200 kilos ng shabu ang kanilang nakumpiska pero ang dineklara lamang ay 30 kilos lamang umano. Pinakawalan din nila ang drug lord pagkaraang hingian ng P50 milyon. Pero sa halip na maparusahan ang 13 pulis, na-promote pa sila at ang ilan ay nadestino sa Antipolo kung saan ay doon uli sila gumawa ng kabalbalan.
Kakahiya sila! Sana ang piliing PNP chief ni President Duterte ay yung matapang na hindi kukunsintihin ang mga kabarong pulis. Dapat sibakin agad ang pulis na sangkot sa droga. Tunawin din agad ang droga o shabu para hindi ma-recycle. --- ANTHONY MARCAINO, J.P. Rizal, Makati City