EDITORYAL - Grabeng trapik sa EDSA daming natatapong pera
KAHAPON, grabe na naman ang trapik sa EDSA. Usad pagong ang mga sasakyan mula Quezon Avenue hanggang Cubao at mula Ortigas hanggang Boni. Sikip din mula Guadalupe hanggang Buendia Avenue. Sa pag-aaral ng Japan International Coo-peration Agency (JICA), nawawalan ng P5.4 bilyon araw-araw ang Pilipinas dahil sa matinding trapik sa Metro Manila. Napakalaking halaga nang nawawala na kung masosolusyunan ang trapik ay malaking tulong sa kaban ng pamahalaan.
Dahil sa problemang ito sa EDSA, maraming ideya ang naglulutangan para ito masolusyunan. Pinakabagong proposal para maibsan ang trapik sa EDSA ay ang pag-construct umano ng tunnel dito. Proposal ito ni Pasig City Rep. Roman Romulo. Ayon kay Romulo, hindi lang para sa mga sasakyan ang minumungkahi niyang tunnel. Puwede rin itong daanan ng tubig kapag tagbaha.
Sabi ng mambabatas, ginawa na ang ganito sa Malaysia, kaya nalutas ang trapik doon at pati na ang baha. Kapag panahon ng tag-ulan, isasara ang tunnel para dito naman dumaan ang tubig-baha. Mas kapaki-pakinabang umano ito kaysa gumawa ng skyway o elevated expressway sa EDSA.
Kamakailan lang, iminungkahi naman ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na ipagbawal ang mga pribadong sasakyan sa EDSA tuwing rush hour. Ayon kay Erice, ibawal ang mga pribadong sasakyan mula 6:00 a.m. hanggang 9:00 a.m. at mula 6:00 p.m. hanggang 9:00 p.m.
Binalak ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ibawal ang provincial buses na makapasok sa EDSA sapagkat ang mga ito umano ang dahilan ng trapik. Pero hindi pinayagan ng korte ang panukala. Hindi makatarungan na ibawal ang provincial buses sa EDSA.
Mayroon namang nagpayo na lagyan ng toll ang EDSA. Lahat nang papasok ay magbabayad. Pero marami ang tutol dito. Hindi rin umano masosolb ang trapik kahit may bayad.
Para sa amin, ang pinakapraktikal at hindi maga-gastusan nang malaki ang pamahalaan ay gawing one way south bound ang EDSA. Sa inner lane ang mga pribadong sasakyan at sa outer lane naman ang mga bus at iba pang sasakyang pangkargamento. Bakit hindi ito subukan? Kailangang mag-eksperimento para malaman. Kung epektibo, ipatupad. Sayang ang perang natatapon dahil sa trapik.
- Latest