KADALASAN, walang testigo na makapagtuturo sa kriminal na gumawa ng krimen kaya nakakalusot sa pananagutan sa batas. Sa kasong ito, ginawa ang krimen sa gitna nang maraming tao habang may nagaganap na okasyon. Pinaliliwanag din ang magiging epekto ng paggamit ng pekeng apelyido sa kredibilidad ng tumatayong testigo. Kapani-paniwala pa rin kaya ang magiging testimonya ng saksi? Kailan maituturing na walang epekto sa testimonya ng testigo ang ginawa niyang paggamit ng ibang pangalan? Lahat ng isyung ito ay masasagot sa kaso ni Tony.
Isang graduation ang ginanap sa public school ng isang munisipalidad sa Visayas. Ang isa sa mga pumunta sa okasyon ay si Vice Mayor Corcuera pati na ang misis niyang si Jessica. Nasa gawing kanan ng estudyanteng iskolar na si Abby ang Vice Mayor na si Corcuera. Nasa likod naman ni Tony si Abby at isang bakod na kawayan na hanggang baywang lang ang taas ang naghihiwalay sa kanila. Sa sobrang lapit ng pagkakadikit ni Tony kay Abby ay akala ng pobre na mamanyakin siya nito.
Nang ibaling ni Vice Mayor Corcuera ang ulo pakaliwa para kausapin ang assistant high school principal na noon ay nasa entablado para magsalita, biglang binaril ni Tony ang Vice Mayor. Tumagos ang bala sa kaliwang parte ng batok ng mayor, lumusot sa utak at lumabas sa tagilirang bahagi ng ulo na naging sanhi ng agad na pagkamatay ng lalaki.
Nakitang lahat ni Abby ang pamamaril at natandaan niya ang mukha ni Tony lalo ang kakaibang itsura ng kaliwang mata nito na kung tawagin sa Tagalog ay “pirot”. Kaya kinasuhan ng murder si Tony. Kasama niyang sinampahan ng kaso ang kapatid na si Nichol na diumano ay nakipagsabwatan sa kanya sa pagpatay sa bise.
Sa paglilitis, tumestigo si Abby at itinuro si Tony, isinalaysay ng dalagita kung paano binaril ng akusado ang vice-mayor. Pero sa cross-examination, inamin niya na Veloso at hindi Romero ang ginagamit niyang apelyido. Dahil daw sa matinding takot kaya napilitan siya na gamitin ang apelyido ng kanyang lola kung saan siya nakikitira. (Itutuloy)