MANGINGILABOT ka sa pagka-ganid ng mga kawatan. Kahit ano’ng simpleng gawain at inosenteng aktibidad ay pagkukuwartahan nila.
Biruin mo, ang mga tiwaling opisyal sa Manila City Hall at pulisya ay nakabuo ng sindikato ng “tong collection” mula sa libu-libong illegal vendors sa Divisoria-Santa Cruz districts. Aba’y hindi lang nila sinisingil ng arawang “protection money” ang mga nagtitinda sa gitna ng kalye at bangketa. Pati ang pagbili ng bottled water, at paggamit ng plastic na bangko at papag ay dapat sa sindikato magbayad. Sa laki ng kinikita ng mga kriminal, nagawa nilang alukin ng suhol si bagong Manila mayor Isko Moreno. Napakalaki ng halagang ibinulong pero tinanggihan ni Moreno: P5-milyon kada araw, o P150 milyon kada buwan, o P1.8-bilyon kada taon. Pinalayas pa rin ni Moreno ang mga nakaharang sa daan at sidewalks, kaya nalusaw ang sindikato.
Sa Manila International Airport nu’ng 2015 nagkaroon ng modus operandi na “tanim-bala”. Kapapasa pa lang noon ng bagong batas na nagpapataw ng 12 taong kulong sa mahuhulihan ng bala ng baril. E uso sa mga mapamahiin ang magsilid ng bala sa maleta para huwag malasin sa biyahe. Kaya hayun, rumaket ang ilang kawatang x-ray screeners at security guards. Pasimpleng nagtatanim ng bala sa bagahe, para takutin ang biktima na magsuhol nang P10,000-pataas kaysa maantala ang flight at makasuhan sa korte.
Grabe, pati ang makatao na Good Conduct Time Allowance law ng 2013 ay sinamantala ng mga kawatan sa Bureau of Corrections. Biniktima ang 11,000 bilanggo. Hiningan ng tig-P50,000-P300,000 para doktorin ang mga papeles. Pinalabas na mababait silang preso at sobrang tagal nang nakakulong. Pinalaya pati murderers, rapists, kidnappers for ransom, arsonists, terrorists at drug lords na habambuhay ang mga sentensiya. Malinaw sa GCTA law na diskuwalipikado ang karumal-dumal na kriminal, pero 1,914 sa kanila ang pinakawalan.