Bayani ang mga guro (Unang bahagi)
TUWING Oktubre 5, ginugunita natin ang National Teacher’s Day alinsunod sa Republic Act 10743. Tama lang na maglaan tayo ng isang espesyal na araw kada taon para kilalanin at parangalan ang ating mga guro na may mahalagang papel na ginampanan para sa paghubog at pagtuturo sa atin. Sila ang tumatayong ating pangalawang magulang sa eskuwelahan at sila ang tumulong para mapanday at mapahusay tayo. Ang mga guro natin mula elementarya hanggang kolehiyo ay masasabing mga tahimik na bayani ng bawat henerasyon.
Sa totoo lang, may isang institusyon sa Pilipinas na naglaan ng kanilang oras, panahon at pera para kilalanin ang importanteng papel na ginagampanan ng ating mga guro sa lipunan, para pasalamatan sila at tuloy ay itaguyod ang kultura ng pagkilala sa kanila bilang gurong Pilipino. Ito ay ang Metrobank Foundation (MBF) na pinangungunahan ni Ginoong Aniceto M. Sobrepeña bilang presidente. Sa simula pa lamang, inilaan na ng MBF ang Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 bilang National Teachers Month (NTM).
Nag-umpisa ang NTM noong 2008 para magbigay pugay at kilalanin ang kabayanihan at sakripisyo ng mga gurong Pilipino sa pamamagitan ng simpleng pasasalamat para sa kanilang ginawa. Ang tema na “Teacher Ko, Idol Ko” ang naging una nitong konsepto. Sumunod na taon (2009), ay ang tagline na “My Teacher, My Hero” o guro ko, bayani ko naman ang kanilang ginamit.
Sa pagdaan ng mga taon, nagkaroon na rin ng kilusan para sa pagkilala sa propesyon ng pagtuturo. Nagkaroon pa ito ng logo na isang estudyante at isang guro na sabay na nagbabasa para bumuo ng isang puso at may nakasulat na salitang “My Teacher, My Hero”. Ang logo ang naging mukha ng kampanya ng MBF simula pa 2008.
Noong 2011, opisyal na kinilala ang NTM sa paglalabas ng proklamasyon (Presidential Proclamation No. 242) ng Pangulo ng Pilipinas na nagtatalaga sa Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 bilang “National Teachers Month”. Sunod nito ay naging batas naman noong 2016 ang RA 1974 kung saan dineklarang “National Teacher’s Day” ang Oktubre 5 ng bawat taon. Ang opisyal na pag-endorso sa ginagawa ng NTM ay nagpapakita lang na nagtagumpay ang institusyon sa layunin nito na kilalanin, pasalamatan at bigyang pugay ng lahat ng sektor ng lipunan ang ating mga guro para sa naging kontribusyon nila sa ating pag-unlad. Katunayan nga ay nakaabot na rin ng isang dekada ang NTM noong 2018 sa kanilang pagbibigay parangal sa mga gurong Pilipino at mayroong 110 organisasyon na sumali para sa selebrasyon na may temang “Gratitude In10sified”.
(Itutuloy)
- Latest