MAY lumang kasabihan sa Inggles: “don’t stir the hornet’s nest”. “Huwag bulabugin ang bahay ng putakti o bubuyog.” Tungkol ito sa ano mang aksyon o pahayag na nagdudulot ng sigalot.
Ngunit minsan ay dapat gawin ito upang tuldukan ang isang problemang salot sa bayan tulad ng bawal na droga. Lumang issue na ang tungkol sa “ninja cops” o mga tiwaling pulis na kasangkot sa recycling at pangangalakal ng shabu. Panahon pa ng mga nakaraang Pangulo ay nadirinig na natin ang pakikipagsabwatan ng ilang pulis sa mga sindikato ng droga.
Ngunit nang idawit ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Aaron Aquino at dating CIDG Chief na ngayo’y Baguio City Mayor Benjie Magalong ang ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP), nagkaroon ng iringan ang PDEA at PNP.
Lalo pang nadiin si PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa usapin. Magkatuwang siyang inginuso nina Magalong at Aquino sa Senate hearing na ito’y namagitan para mailusot sa kaso ang kanyang mga tauhan na sinasabing nag-recycle ng mga nakumpiskang shabu. Nangyari umano ito nang si Albayalde ay provincial director pa ng PNP sa Pampanga. Dahil umano sa pagbubunyag ni Aquino, inalisan siya ng security escort ng PNP.
Pero paglilinaw ni Albayalde, tinanggal ang police escorts ni Aquino dahil itatalaga ang mga naturang security men sa nalalapit na Southeast Asian Games. Kung magkagayon, dapat inalisan din ng escorts ang mga Mambabatas at iba pang opisyal ng pamahalaan, hindi ba?
Pero si Aquino lang yata ang singled out, at very obvious ang dahilan kung bakit. Siya pa ba ang tatanggalan ng security habang ang nilalabanan niya ay ang mabagsik na halimaw na drug syndicates? Buhay niya ang higit kanino man ay nanganganib.
Sa panahong nakikita natin ang paglubha ng drug problem, hindi iringan ang dapat umiral sa mga organisasyon naatasang labanan ito kundi pagtutulungan. Kung may mga masasamang elemento sa PNP, tanggalin ang mga ito at linisin ang hanay ng pulisya para maging mas malakas ang kampanya laban sa bawal na droga. Kung may opisyal na nadadawit, patunayan lang na walang katotohanan ang paratang sa halip na magalit.