EDITORYAL – Ituloy ang transportmodernization program

ISINAGAWA ang tigil-pasada ng mga jeepney sa buong bansa kahapon. Maraming transport groups ang nakiisa sa pangunguna ng Piston, Acto, Stop and Go Coalition, Alyansa kontra SUV at iba pa. Mahigpit nilang tinututulan ang modernization program ng pamahalaan. Hindi umano makakaya ng mga operators ang presyo ng modernong jeepney na inaalok ng pamahalaan. Pinapatay umano ng pamahalaan ang mga driver ng jeepney. Wala na umanong maiuuwi sa pamilya ang mga driver kapag pinagpilitan ang modernization. Sabi ng mga pinuno ng transport groups, tagumpay ang kanilang welga at magkakaroon pa ng mga sunud-sunod na tigil-pasada para marinig sila ng gobyerno.

Dapat ngayong taon, ipapatupad ang modernization pero dahil sa maraming pagkilos ng transport groups, ipinagpaliban ito at sa halip, sa susunod na taon na ipatutupad. Ayon sa Department of Transportation (DOTr) ang mga sasakyan na 15 hanggang 20 taon pataas ay wawalisin na sa kalsada. Layunin nito na mapabuti ang transportation system at nang malutas ang problema sa air pollution. Desidido ang DOTr na ipatupad ang transport modernization at pu­wersahan na ang pagwalis sa mga lumang sasakyan.

Kabilang sa mga tatamaan ng modernisasyon ang mga bulok na dyipni . Ayon sa DOTr, nasa 170,000 na mga kakarag-karag na dyipni ang wawalisin sa kalsada at deretso na sa junkshop ang mga ito. Ayon pa sa DOTr, mag-a-accredit sila ng mga scrapping companies para ang mga ito ang mamamahala sa pag-scrap sa mga lumang dyipni.

Pero bago raw walisin ang mga lumang dyipni, pagkakalooban ang mga may-ari ng lumang dyipni ng P80,000 na subsidiya para makabili ng modernong dyipni na magagamit nila sa pamamasada. Ang mga bagong unit ng dyipni ay hindi nagbubuga ng hanging may lason kaya hindi makasisira sa kapaligiran.

May plano naman pala ang pamahalaan para sa mga tatamaan ng modernization. Bakit tumututol pa ang mga transport group? Tutulungan naman sila sa gas­tusin para makabili ng bago at modernong sasakyan.

Ipagpatuloy ang modernization. Kung hindi ito isa­sagawa ngayon, lalong lulubha ang air pollution. Ma­rami rin ang maaaksidente sapagkat karag-karag na ang mga jeepney. Karamihan sa mga driver ng dyipni ay walang disiplina kaya nagdudulot ng trapik. Huwag matakot sa bantang welga. Ituloy ang pagmodernisa.

Show comments