PAMAHAL nang pamahal maging vegetarian. Nakakasawa kung basta dahon lang ang kakainin araw-araw. Dapat may lasa o amoy mukhang karne o isda para nakakagana. Magastos na proseso ‘yon. Dapat ding umiwas sa mga mabubuto -- karamihan ng halaman sa awiting “Bahay Kubo” -- dahil makatas sa uric acid na nakaka-gout. Ang sakit umatake!
Pahirap nang pahirap din na puro laman dagat lang ang kainin. Kumokonti kasi ang huling isda, hipon, alimasag at shells. Nalalaspag sila sa rami ng kumakain, at sa pagdumi at pag-init ng karagatan. Pahirap nang pahirap din sa buong mundo mag-palaisdaan. Kumokonti ang lupain at tabing-pampang na maaring gawing pond at pen ng tilapia, bangus, at pangasius (cream dory).
Parami nang parami naman ang umiiwas na sa red meat: karneng baka o baboy. Mahigit tatlong dekada na nu’ng mapatunayan na may taglay itong saturated fats – na nagdudulot ng heart attack at iba’t ibang sakit sa puso. Lumalabas din na kakakain ng karne ang pangunahing sanhi ng colon cancer.
Sa buong mundo, manok ang natitirang pagkain ng karamihan. “Malinis” na pagkain ito kumpara sa red meat. Mas madaling palakihin kaysa pagkaing dagat; puwedeng patung-patong na kulungan at itlogan, hindi malawakang ponds o pens.Mas mura pa nga ang manok kaysa maraming klase ng masusustansiyang gulay na hindi nakaka-gout.
Kaya naman sa mayayamang bansa sa America at Europe, ang bawat indibidwal ay lumakas nang 70% ang konsumo ng manok nitong nakaraang dalawang dekada. Hindi nalalayo ang estadistika sa mga yumayaman pa lang na bansang tulad ng China, India, at Pilipinas. Manok, manok, at puro manok din ang nagiging paboritong pagkain ng bata o matanda.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).