HANGGANG ngayon, hindi matukoy kung nasa Bangkok o nasa Canada ang tinaguriang “drug queen” ng Sampaloc na si Guia Gomez Castro. Unang report ay lumipad daw ito patungong Bangkok noong Setyembre 21.
Pero makalipas ang isang araw, nasa Canada raw ito at kasama ang asawa. Nakalipad paalis si Castro, ilang araw makaraang pumutok ang balita na isang maimpluwensiyang barangay chairman sa Sampaloc ang nag-eempleo ng mga pulis na nagre-recycle ng droga. Sumunod na araw, pinangalanan na siya ng mga pulis. At makalipas pa ang ilang araw, nabalita na nakalabas na siya ng bansa.
Ang PNP na rin mismo ang may depekto kaya natakasan ng “drug queen”. Hindi sana muna sila nag-ingay nang nag-ingay ukol sa aktibidad ni Castro. Ang pagiging maingay lalo pa sa isang sensitibong isyu ay hindi sana ginagawa. Siyempre kapag pumutok ang balita, nakakapaghanda ang suspek at mabilis na nakakalabas ng bansa. Kapag nakalabas na, mahirap nang mahuli ang suspek.
Kinumpirma ng Bureau of Immigration na nakalabas na ng bansa si Castro ilang araw makaraang pumutok ang balita na siya ang “drug queen” at nagmamantini ng “ninja cops”. Ayon sa report, ang mga “ninja cops” ay nakikinabang kay Castro sapagkat ito ang bumibili ng shabu na kanilang nakukumpiska sa drug operations.
Nanalong chairman si Castro noong nakaraang barangay election subalit naka-leave sa kasalukuyan. Itinanggi naman ng mga kaanak ni Castro ang mga akusasyon na sangkot ito sa recycled drugs. Ayon pa sa report, maraming “ninja cops” na naka-payroll kay Castro at ang ilan ay binibigyan niya ng SUV.
Sinabi naman ng Immigration na hindi nila puwedeng harangin o pagbawalan si Castro na makalabas ng bansa sapagkat wala namang kaso na nakasampa rito. Dapat ang PNP umano ang naging maigting sa pagsasampa ng kaso laban sa sinasabing “drug queen”.
Ang PNP ang maituturing na nagkaroon ng pagkakamali kaya nakalabas agad ng bansa si Castro. Sila ang nagkulang at wala nang iba. Higit sa lahat, walang ibang nakakaalam sa gawain ni Castro kundi ang PNP mismo kaya dapat sila ang maging masigasig para ito madakip at makasuhan. Gawin ng PNP ang lahat nang paraan para maaresto ang “drug queen”.