KUNG tutuusin, isang oras lang at ilang minuto ang travel time sa pagitan ng Davao City at Manado City na capital ng North Sulawesi province sa East Indonesia.
At noong Setyembre 27, muling binuksan ang nasabing direct route na inaasahang makakakuha na rin ng mara-ming pasahero ang Garuda Airlines upang magpatuloy ang direct service na ito na ilang ulit na ring natigil sa iba’t ibang panahon noong nakaraan.
Ang Garuda Airlines at ang subsidiary nitong Bouraq Airlines at maging and Air Philippines at iba pang airlines noong 1990s ang sumubok nang mag-operate ng Davao-Manado direct route ngunit huminto rin sila dahil nga sa walang pasahero or no passenger traffic upang magpatuloy ang direct flight.
Balita ko ang introductory o promo fare ng Garuda nitong muling pagbukas ng Davao-Manado direct service ay nasa P6,000 plus lang round trip na.
Ang P6,000 ay mura na kung tutuusin. Pag bumiyahe pa ng galing Davao papuntang Manila, papuntang Jakarta o Singapore bago makarating ng Manado ay masyado nang malayo at sobrang mahal ng pamasahe. Masyado nang circuitous.
Kaya malaking pakinabang ang direct Davao-Manado flight dahil nga magkapitbahay lang ang dalawang siyudad magkaiba nga lang ng bayan, isa sa Pilipinas ang isa naman ay Indonesia.
Ako mismo ay nakarating na ng Manado --- mahigit 20 beses na simula noong first flight ng mga Davao businessmen sa isang business trip nga sa Manado noong 1992. At simula noon pabalik-balik na ako sa Manado at sa kalapit-bayan nitong port city ng Bitung.
Maganda ang Manado at tiyak magugustuhan ng mga Pilipino ang lugar. Sana naman tangkilikin ng kapwa Indonesian at Pilipino ang Davao-Manado direct flight upang magtagal at magpatuloy pa ito.