MUKHANG may magandang kalalagyan ang mga tinaguriang “Ninja cops” oras na makarating sa kaalaman ni Boss Digong ang mga pangalang ibinulgar ni dating CIDG chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjie Magalong, sa Senate executive meeting the other day tungkol sa usapin ng mga drug recycling na nahuli sa Philippines my Philippines.
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang mga Ninja cops ay mga miembro ng PNP active/retired foolish cops na sangkot sa pagbebenta ng mga nahuling droga ng kanilang mga kabaro.
Sabi nga, bigtime o saksakan ng dami ng salapi ang mga Ninja cops.
Ika nga, mga bilyonaryo dahil sa droga.
“Noon ang mga Ninja cops ay nakatirik sa mga casino at sabungan isa sila sa mga malalaking pumusta sa mga pasugalan para kung magkaroon ng aberya sasabihin nila na ang malaking pera nilang nakuha ay galing sa panalo sa sugal,” sabi ng kuwagong SPO-10 sa Crame.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, nang ipagbawal ang madlang government employees including policemen sa mga casino, nag-iba ng bisyo ang ilang buhay na Ninja cops.
Ika nga, sa mga sabungan o malakihang derby cockfighting sila makikita. Ang iba naman na suerte at buhay pa ay lumayas na sa Philippines my Philippines, yong iba ay ibinaon na sa lupa at ang iba ay nag-lie low.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, muling nabulabog ang Ninja cops dahil binuhay ng gobierno ang kanilang kawalanghiyaan kaya naman para silang mga daga ngayon kung saan-saan sumisiksik.
Ika nga, sa takot na baka makalawit ni kamatayan.
Bakit?
Kilala ng kanilang mga kabaro kung sinu-sino sila!
Abangan.
Talusan vs. mga sindikato ng illegal drugs sa NAIA
NAKANA ng Bureau of Customs-NAIA ang six boxes na bottled liquid marijuana na dineklarang “ULEI CBD full plant extract” galing Romania na dumating noong September 20, 2019.
Ikinuento ni NAIA-BoC District Customs collector Mimel Talusan, iniutos nito sa kanyang examiner ang 100% physical examination sa mga pakete habang kaharap ang PDEA, kawani ng PHLPost, Customs Anti-illegal Drugs Task Force (CAIDTF), X-Ray Inspection Project (XIP), Enforcement Security Service (ESS), at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).
Sa ginawang eksaminasyon nagpositibo ang shipments na may Tetrahydrocannibinol, isang substance ng marijuana.
May tatak ang mga kahon na “Lady Mary Farm Cannabidiol CBD Oil BIO” at may PHLPost tracking no. CO979705967RO, at naka-consigned sa isang Jeffrey Ciabal Perez ng 0690 Purok 6 San Lucas 2, San Pablo City, Laguna, na ipinadala ng isang Bayer Jasilica ng Gr. Miko Imre, Sf. Gheorghe, Romania.
Isinampa na ang kaso kay Perez sa violation ng Section 4 (Importation of Dangerous Drugs), Article II of R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act); at Section 1401 (Unlawful Importation) of R.A. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
Aktibo ang Customs sa NAIA sa paghuli ng mga sindikato ng illegal drugs na binibitbit ng mga drug mules at ang mga ipinapasok sa postal office.