Bagong Kongreso, bagong pag-asa!

KUNG walang politika at nagkakasundo ang ehekutibo at lehislatura sa mga panukalang batas para sa kaunlaran ng bansa at pakinabang ng mamamayan, tuluy-tuloy ang ating pag-asenso. Ang hadlang kasi sa mabilis na pag­sasabatas sa mga bills ay ang mga “kontratista” at “pro­tes­tante” na puro kontra at protesta. Isama pa riyan yaong mga naghihintay na hagisan ng pork barrel bago sumuporta sa ano mang panukala. Those were the days na nga­yon ay lumipas na. Burado na kasi ang “pork”. Thank God.

Hindi ko mapigilang mapasaludo sa ating 18th Congress. Ito ang lehislatura na lubhang kailangan para mag­tagumpay ang mga programang pangkaunlaran ng ad­­ministrasyon. Nakaka-impress ang determinasyon at pagkapursigido ng ating mga lawmakers sa pangu­nguna­ ni Speaker Alan Peter Cayetano. Sabi nga ni De­­puty Speaker Neptali Gonzales, sa tagal ng kanyang pagsi­silbi bilang Representative ng Kamara, ngayon lang naganap ang ganito.

Public knowledge na ang mabilis na deliberasyon sa mahahalagang batas lalo na ang 2020 National budget. Very obvious kasi ang dedikasyon at kasipagan ng mga mambabatas. Mabuhay kayong lahat! Ito ay naitala sa 18 na session days mula Hulyo 22 hanggang Setyembre 10 ayon sa House Committee on Rules. 

Walang kinikilalang pista-opisyal ang magigiting na Representante sa Kamara. Kabuuang 266 lawmakers­ ang dumalo sa sesyon noong August 13, matapos ang Eid al-Adha Day, at 259 naman ang dumalo noong August 27, ka­sunod ng National Heroes Day. Walang puknat ang de­liberasyon sa 2020 National Budget sa plenaryo ma­tapos itong maaprubahan sa commitee level noong September 6. 

Kaya tiyak na maipapasa ang pambansang badyet bago sumapit ang October 4 kung wala nang aberyang mangyayari. Sana wala na nga. Very thankful si Gonzales sa liderato ni Caye­tano. Bihira talaga ang speaker na tulad niya na hands on upang tiyaking mapupunta sa mga kwalipikadong kongresista ang mga mahahalagang komite upang masiguro na maayos ang takbo at proseso ng pagdinig ng mga ito.

“Kayod kalabaw kami,” bulalas ni Gonzales. Iyan naman talaga ang kailangan upang maisabatas ang mga priority bills ng Pangulo para smooth-sailing ang implementasyon ng mga programa ng administrasyon.

Show comments