PAMILYA ang unang takbuhan sa oras ng kagipitan. Kahit pa may tampuhan, ‘pag isang miyembro ang nangailangan, tiyak na may kapamilyang masasandalan.
Isang ginang ang napadpad sa BITAG Action Center nitong Martes. Kakaiba ang kanyang hiling na tulong sa BITAG, ipa-deport daw ang kanyang kapatid na nasa Qatar.
Noong nagkaroon daw kasi ng problema ang kanyang nakababatang kapatid, to the rescue siya rito. Kaso, matapos matulungan e mas mabilis pa sa kidlat na tinakbuhan ng inirereklamong OFW ang kaniyang ate na ngayon ay nagrereklamo sa BITAG.
Ang kuwento, umiiyak na lumapit ang nakababatang OFW na kapatid sa kanyang ate. Maghihimas na kasi ng matatabang rehas sana noon ang kanyang mister dahil sa utang nito na halos P100,000 sa Rural Bank.
Bilang nakatatandang kapatid at dala na rin ng awa ay pinahiram niya ito ng perang pambayad sa bangko. Ang perang pinahiram ay pag-aari ng kaniyang asawa kaya’t sinigurado niya sa kapatid na dapat mabayaran ito.
Ang problema, imbes na magpasalamat sa pagsagip ng kanyang ate, umestilong dorobo ang kapatid. Lumipad pa-Qatar hindi lang para magtrabaho kundi para takbuhan ang obligasyon.
‘Di na mahagilap ang nakababatang kapatid, hindi na rin kumokontak sa kanyang Ate. Pakiramdam ng ginang na lumapit sa BITAG, hindi lang pambabalewala ang ginawa ng kanyang kapatid kundi pambabastos na rin.
Umiiyak siya nang mga oras na iyon at ramdam ko ang sama ng kanyang loob. Nagiging dahilan na raw kasi ito ng madalas na pag-aaway nilang mag-asawa dahil sa kawalan ng tiwala.
Tuloy, nang mapanood ng ginang sa Pambansang Sumbungan Aksiyon Ora Mismo ang sumbong ng ina laban sa anak na nag-happy go lucky sa Dubai, gusto na rin niyang ipa-deport ang kapatid.
Hindi ko estilo ang mag-shame campaign at hindi kami nangingialam sa problemang utang. Pero ‘pag relasyon na ng pamilya ang nakasalalay, maaari kaming manghimasok kung may magagawa din lang naman ang grupo ng BITAG.
Sa tulong ni Rep. Roy Señeres Jr., ng OFW Family Party-List, nangako siyang makikipagtulungan sa BITAG Pambansang Sumbungan at ora mismong makikipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Qatar para ipatawag ang inirereklamong kapatid. Nagkaso na rin kasi ang nagrereklamong ginang at naglabas na ng korte na dapat mabayaran ng inirereklamo ang pera. Sa bisa ng court order, e mapa-deport ang kolokay at harapin ang tinakasang obligasyon sa kanyang kapatid.
Dalawang estado ang kinahihinatnan kapag nag-OFW – may napapabuti, may napapasama. Kung umalis ka ng bansa na may iniwan pang problema, tiyak kabaliktaran ng kaginhawan ang sasapitin mo.
Imbes na pamilya ang una mong matatakbuhan, sila pa mismo ang magsusuplong sa’yo.