HINDI lang tayo binubuo ng mga butil-butil, gumagawa rin nu’n ang katawan natin, at binobomba tayo nang marami nu’n araw-araw.
Halos 99% ng katawan ay atoms ng hydrogen, carbon, nitrogen at oxygen. Meron pang maraming elements na kailangan para mabuhay.
Atoms ang bumubuo sa cells. Bagamat ang cells natin ay “nanganganak” o napapalitan tuwing pito hanggang 15 taon, marami roon ay sumibol sa mundo daan-milyong taon na ang lumipas. Lahat ng hydrogen na bumubuo sa katawan natin ay nagawa nu’ng nalikha ang kalawakan sa isang Big Bang. Ang mga carbon,nitrogen, at oxygen atoms na bumubuo sa atin ay nagawa ng mga nasusunog na bituin. Ang mabibigat na elements sa atin ay nabuo sa mga sumabog na bituin.
Depende ang laki ng atom sa lokasyon ng electrons nito. Ang nucleus sa gitna ay 100,000 beses ang liit kaysa mismong atom. Kung ang nucleus ay kasing-liit ng mani, ang atom ay kasing-laki ng sports stadium. Kung aalisin lahat ng blankong espasyong atoms, at pagdikit-dikitin lahat ng nucleus at electrons, ang katawan ng tao ay kasing-liit ng alikabok -- at ang sangkatauhan ay kakasya sa isang sachet ng shampoo.
Malaki ang katawan ng tao dahil sa kinetic energy. Radioactive ang katawan natin dahil sa mga radioactive elements na tumatama sa atin at dahil din sa atoms na likas sa katawan natin. Ang radioactivity natin sa loob ng isang taon ay katumbas ng apat na chest x-rays.
Otomatiko sa muscles natin ang paghinga, pagtibok ng puso, pag-ikot ng dugo sa katawan. Bukod sa tubig at pagkain, kailangan ng katawan ng araw. Naging ugali ng modernong tao ang magpaganda, pumustura, magpabango. Nakikisama tayo sa kapwa,nagmamahal, nagtatampo, tumatawa, nalulungkot, nag-iisip, sumasampalataya.
Kapag namatay, ang katawan ay naaagnas. Ang mga atoms ay naghihiwa-hiwalay. Nariyan lang sila sa paligid-ligid. Bubuo ng mga bagong bagay, may buhay man o wala. Gan’un nilikha ng Diyos lahat.