Masaker

(Huling bahagi)

DAHIL sa baho ng naaagnas na bangkay, nag-usyoso ang mga kapitbahay at nalaman ang masaklap na sinapit ng pamilya ni Dr. Santos. Agad nila itong Ipina­alam sa mga pulis na nagsagawa ng imbestigasyon. Base sa impormasyon, napag-alaman ng mga pulis na sina Fred at Roy ang huling nakita sa loob ng bahay ng mga Santos. Natunton sila sa lugar sa Visayas na ka­nilang pinagtataguan.

Nang makitang sukol na sila, kusa na silang sumuko at inamin ang ginawa. Sinampahan sila ng robbery with multiple homicide kasama ni Arlene. Inamin ni Fred ang krimen pero todo tanggi pa si Roy at itinuro si Fred na siya raw nag-utos sa kanya na patayin sina Lola Remedios at Rowena gamit ang baril.

Ang testigo ng prosekusyon ay si Jing-jing na nagsilbing saksi at nagkuwento sa lahat ng kanyang naranasan. Na­ging testigo rin ang pulis na nag-imbestiga sa kaso at ang doktor na sumuri sa mga bangkay ng biktima. Napagtibay din ang kaso ng prosekusyon base sa ginawang pag-amin nina Fred at Roy. Matapos ang paglilitis, pinawalang-sala si Arlene pero napatunayang nagkasala sina Fred at Roy sa pagpatay kaya hinatulan sila ng parusang kamatayan at pinagbabayad ng danyos sa mga naulila ng mga biktima.

Nang awtomatikong inapela ang kaso sa Supreme Court, pareho pa rin ang naging hatol. Ayon sa SC, nakabigat sa krimen ang pagtataksil, pagpaplano sa krimen, ang sirkumstansiyang ginawa ito sa mismong tirahan ng mga biktima, na wala man lang kunsiderasyon sa edad at kasarian, pati ginamit ang lakas laban kay Fred. Iyon nga lang ang kasa­rian at edad ay dapat ituring na nakapaloob sa kataksilang ginawa at maituturing na aggravating circumstance na nakapagpabigat sa kaso.

Pero ang pagsuko nila ay hindi magagamit para ma­ging mitigating circumstance at makabawas sa sentensiya. Sumuko lang sila dahil wala na silang magagawa. Ang palusot naman nila na nagdilim ang paningin sa galit dahil kinagalitan sila at hindi binabayaran ng suweldo ay pawang nangyari bago ang krimen. Ibig sabihin, may tatlong aggra­vating circumstance, ang pagpaplano ng krimen, ang paggawa nito sa mismong bahay ng mga biktima at ang kataksilan na walang katapat na mitigating circumstance. Kaya kamatayan ang ipapataw sa kanila.

Tungkol naman kay Roy, ang depensa niyang kumilos lang siya sa ilalim ng matinding takot dahil tinutukan siya ni Fred ng baril ay hindi rin uubra para makalusot siya sa krimen. Siya ang humampas kay Karla sa loob ng banyo gamit ang palakol na bigay ni Fred. At kahit hindi inutos ni Fred ay patuloy niyang pinagsasaksak ang pobreng babae hanggang mapatay. Ang takot naman niya nang patayin niya si Rowena ay nasa utak lang niya at hindi totoong may banta sa kanyang buhay. Hindi rin magagamit ang kanyang kusang pagsuko dahil nga sukol na sila nang gawin ito. Sa tatlong aggrava­ting circumstance  na walang katapat na mitigating circums­tance ay talagang bitay ang parusa sa kanila (People vs. Ger­vacio et. al., G.R. L-21965, August 30, 1968).

Show comments