Napakahirap siguro para sa pamilya nila Eileen Sarmenta at Allan Gomez ang marinig mula sa pamilya ni Antonio Sanchez na wala silang balak o planong bayaran ang higit P12 milyong danyos sa dalawang pamilya dahil inosente naman daw ang nahatulang rapist-killer. Suwail ang asawa at mga anak nang itanong sila kung nabayaran na nga ang danyos sa pamilya ng dalawang biktima. Nakuha pang ulitin na iyong araw na pinatay sina Sarmenta at Gomez ay kasama raw niya ang dating mayor. Pero pinabulaanan na nga ito ng Korte Suprema.
Ayon kay Presidential Spokesperson and Chief Legal Counsel Salvador Panelo, kung hindi babayaran ang danyos sa mga pamilya ay baka madagdagan ang sentensiya sa bilangguan ni Sanchez. Tandaan na 40 taon lang yata ang maaaring silbihan ng sinumang kriminal sa bilangguan sa Pilipinas. Hindi pinagsusunod-sunod ang lahat ng hatol, halimbawa nga kay Sanchez na hinatulan ng pitong reclusion perpetua. Dapat itulad sa ibang bansa na sinusunod-sunod ang mga sentensya kaya lalabas na higit 200 taon makukulong si Sanchez. Parang sinasabi na hindi na nga makakalaya. Kaya baka ilang taon na lang ay malaya na rin siya. Dapat na talaga baguhin ang sistema ng hustisya sa bansa, partikular mga nahatulan dahil sa “heinous crimes”.
Sinibak na ni Pres. Rodrigo Duterte si BuCor director general Nicanor Faeldon Miyerkules ng hapon, dahil sa nagngangalit na kontrobersiya hinggil sa muntikang pagpapalaya kay Sanchez at ang 1,914 na mga nahatulan ng “heinous crimes” mula 2014. Sana naman ay hindi lang ilipat na naman kung saan-saan si Faeldon para mabigyan lamang ng posisyon ang kaibigan. Nanawagan na rin si Duterte sa mga pinalaya na kusang sumuko na at bumalik sa bilangguan para tapusin ang kani-kanilang mga sentensya. Kapag hindi daw sumuko, pugante na ang trato sa kanila. Binigyan ng 15 araw para sumuko kundi maglalagay ng P1 milyong pabuya para sa bawat presong pinalaya, patay o buhay.
Dapat utusan na rin ang PNP na kapag lumipas na ang 15 araw ay hanapin sila, patay o buhay. Napakalaking sakit ng ulo talaga ito ngayon para sa administrasyon. Kung sinibak na si Faeldon, dapat imbistigahan din ang pagpalaya sa mga nahatulan ng “heinous crimes” sa ilalim ng mga nakaraang BuCor director general tulad ni Sen. Bato dela Rosa na umamin na 120 ang pinalaya sa ilalim ng GCTA noong nanungkulan bilang BuCor director general, at iba pa mula 2013 noong isabatas na ang GCTA.