EDITORYAL - Pinapatay ang mga magsasaka
ANIHAN ng palay ngayon sa maraming bahagi ng bansa, gaya sa Mimaropa (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan). Sagana sila sa aanihing palay sapagkat maganda ang resulta ng pagtatanim. Naalagaan nila nang husto sa fertilizer, insecticide at tamang patubig ang palayan. Kaya magaganda ang uhay ng mga palay. Kaygandang tingnan ng aanihing palay na nagmistulang ginto ang malawak na linang. Napakasarap langhapin ng mga hinog na palay. Masarap anihin ang pinagbuhusan ng pawis at hirap. Ang ilang buwan na paghihintay sa itinanim at inalagaang palay ay magiging pera na sa wakas.
Pero malaking pagkadismaya ang nakamtan ng mga magsasaka makaraang maani at ibenta ang kanilang palay. Mababa ang presyo ng palay! Sobrang baba na halos hindi mabawi ang kanilang ginastos. Taliwas ito sa kanilang inaasahan na mataas ang presyo sa panahon ng pag-aani. Ang kanilang pinagbuhusan ng panahon sa loob ng ilang buwan ay mabebenta lamang ng P12 bawat kilo o mababa pa rito. Ang kanilang inaasahan, maipagbebenta ang kanilang palay ng P17 bawat kilo.
Nabaon sila sa utang habang inaalagaan ang kanilang mga tanim na palay. Kailangang utangin ang pambili ng binhi, pataba at insecticide. At pagkatapos, mababa lamang palang bibilhin ang kanilang ani.
Ang sobrang pagdami ng imported na bigas ang itinuturong dahilan kaya mababa ang presyo ng palay. Epekto ito ng rice import liberalization law. Dumagsa ang imported na bigas na mas murang ibinibenta. Dahil dito, mas tinatangkilik ng consumers ang murang imported na bigas. Siyempre, ang mura ang kanilang pipiliin.
Umaaray ang mga magsasaka sa nangyayaring bagsak-presyo ng palay. Ang iba, sa halip na magtanim ng palay, nag-aalaga na lamang ng manok at baboy. Sigurado raw ito dahil hindi bumabagsak ang presyo.
Nararapat tulungan ang mga magsasaka. Huwag silang patayin! Itaas ang presyo ng palay para naman mabawi ng magsasaka ang kanilang nagastos. Huwag silang pahirapan.
- Latest