NAGSIMULA na kahapon ang hearing ng Senado sa kontrobersiyal na pagpapalaya sa mga bilanggong may karumal-dumal na kaso. Pinangunahan ito ni Senador Richard Gordon. Dumalo sina Justice Sec. Menardo Guevarra at Bureau of Correction (BuCor) chief Nicanor Faeldon. Sa pagbubukas ni Gordon, malumanay ito sa pagtatanong kina Guevarra at Faeldon. Mahirap maarok sa isang buhos lamang ang legalidad ng pagpapalaya sa mga convict lalo na sa kaso ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.
Kapansin-pansin na malamya lang ang isyu kay Sanchez dahil ang napagtuunan ay ang paglaya ng Chinese at Taiwanese drug lords. Matalino ang mga tanong ni Gordon subalit mahirap mapuntirya kung legal o illegal ang pagpapalaya sa mga ito. Ang naging usapin ay ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) na nakapaloob sa RA 10592.
Hindi magisa si Faeldon dahil ang sinunod niya ay ang kautusang nakapaloob sa batas. Ilang beses tinanong ni Gordon si Faeldon kung kinunsulta niya sa kanyang mga boss ang pagpirma at pagpapalaya subalit mariin ang tugon nito na sinunod lamang niya ang memorandum circular ng batas. Maging si Guevarra ay hindi rin madiin kung tama bang palayain na lang ang convicted criminals. Ang gulo mga suki!
Nang si Sen. Ping Lacson na ang nagtanong kay Faeldon kung napalaya na ba ang apat na Chinese drug lords, inamin nito na nakalaya na nga dahil sa GCTA. Kaya nairita si Lacson dahil sampal ito sa kampanya ni President Duterte sa ilegal drugs. Sabi pa ni Lacson, ang kinaiinisan pa naman ni Duterte ay ang mga sangkot sa droga at korapsiyon.
Tanong pa kay Faeldon, bakit pinalaya ang drug lords na di ikinunsidera ang poot ni Duterte. Milyun-milyon aniya ang ginagastos ng pamahalaan para mahuli ang drug traffickers subalit palihim na nakalalaya ang mga ito. Tiyak babalik ang mga ito sa pagpapakalat ng droga at maraming pera na naman ang gagastusin ng pamahalaan para mahuli ang mga ito. Ayon pa sa senador, walang konsensiya at pagmamahal sa bayan ang nagpalaya sa drug lords.
Si Sen. Bong Go ay may init din sa pagpapalaya sa mga convict. Sabi pa ni Go na nang malaman daw ni Duterte na palalayain si Sanchez agad daw tinawagan si Faeldon para hindi ito palayain. Ayaw ni Duterte na makalaya ang rapist-murderer. Payo ko sa mga matataas na opisyales ni Duterte, repasuhing maigi ang RA 10592 nang mawala ang alinlangan na pinagkakaperahan ito ng mga corrupt.
Samantala, nananawagan si retired Major Willy Villacorta sa MPD Batch 18 na may bonding reunion kayo sa Peter Lee’s Restaurant, UN Avenue, Ermita, Manila sa Oktubre 5, 11:00 ng umaga.