SINO ang nagsasabi ng katotohanan? Ayon sa pamilya ni Antonio Sanchez, ang nakakulong na dating mayor ng Calauan, Laguna dahil sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta, may nagsabi sa kanila na may utos na palayain na siya sa Aug. 20. Nakausap pa daw si BuCor chief Nicanor Faeldon na mapapalaya nga sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA). Susunduin na nga raw ang nakulong na rapist-murderer nang biglang hininto umano ang kanyang paglaya. Sinisisi ng kanyang pamilya ang matinding reaksiyon at batikos na inabot ng gobyerno mula sa maraming sektor sa balitang mapapalaya na. Naniniwala pa rin sila na inosente siya.
Wala naman daw pinirmahang utos si Faeldon para palayain si Sanchez, kahit nagpahayag na kasama nga sa 11,000 bilanggo na mapapalaya dahil sa GCTA. Ganundin ang pahayag ni DOJ Sec. Menardo Guevarra na kung kasali si Sanchez sa listahan ay walang kuwestiyon na mapapalaya batay sa GCTA. Pero nagkakabuhul-buhol na naman ang mga pahayag nila Faeldon at Guevarra. Bakit kung saan pinuno si Faeldon ay nababalot naman sa kontrobersiya? Humihingi nga ng imbestigasyon ang hurado na naghatol kay Sanchez sa kanyang naunsiyaming paglaya. Sa simula pa lang ay hindi karapat-dapat makinabang si Sanchez sa ilalim ng GCTA. Kaya bakit nasama ang kanyang pangalan at may utos na umano na palayain? Iimbestigahan na nga ang lahat na may kinalaman sa kaso ni Sanchez, pati mga opisyal ng BuCor kasama si Faeldon.
Nagpahayag na umano si President Duterte na hindi mapapalaya si Sanchez pero ayaw pa ring mawala ang kontrobersiya. Ang tanong nga ay bakit muntik nang mapalaya sa ilalim ng GCTA? May mga matataas na opisyal ba na ginawan ng paraan para masali ang kanyang pangalan sa listahan kahit malinaw sa Republic Act No. 10592 na hindi kabilang ang mga kriminal na gumanap ng “heinous crimes” tulad ng “rape with homicide” kung saang nahatulang may sala si Sanchez? May patama na nga si Sen. Ping Lacson na “lumipat na ang tara syatem sa New Bilibid Prisons (NBP)”.