NAPABUNTONG-HININGA ang marami dahil tinuldukan na ni Pres. Digong Duterte ang pagpapalaya kay dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez. Supalpal ang inabot nina Sen. Ronald “Bato” dela Rosa at Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Kung inyong maaalala, si Panelo ang abogado ni Sanchez na naakusahan ng panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta ganundin kay Allan Gomez na parehong mga estudyante ng UP-Los Baños.
Kambiyo agad si Panelo sa utos ng kanilang boss. Kumbaga hugas-kamay na wala kuno siyang kinalaman sa posibleng paglaya ni Sanchez. Sa paanong paraan magiging kuwalipikadong makasama sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) si Sanchez? Samantalang buhay-hari siya sa Bilibid.
Saan naman nakakita ng bilanggo na marangya ang buhay sa loob --- may aircon, TV at iba pa? Kahit ilang ulit man itong itanggi ni Panelo, alam ng lahat na siya ang arkitekto ng pagpapalaya kay Sanchez. Hanggang ngayon kaya namamantikaan pa rin ang bibig ni Panelo?
At ang sabi naman ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, bigyan daw ng second chance si Sanchez. Naniniwala ako na lahat ng nagkasala ay maaaring magkaroon ng second chance kung totoong nagbago sila o pinagsisihan ang kanilang ginawang kasalanan.
Bakit kaya ganun na lang ang turing ng iba kay Sanchez samantalang karumal-dumal na krimen ang kanyang ginawa. Karapat-dapat bang bigyan ng second chance ang isang rapist at criminal?
Ngayon, tameme na ang mga taong nasa likod ng paglaya ni Sanchez. Mabuti na lang at mismong si Digong na ang pumigil na huwag itong palayain. Makakahinga na nang maluwag ang pamilya ni Sarmenta at Gomez. Mababalewala lahat ng ipinaglaban nilang hustisya para sa kanilang mga anak kung mapapalaya ang convicted rapist-murderer.
Saludo naman ako kina Judge Harriet Demetriou at President Digong na talaga namang masasabing bayani sa ating bansa.