AYON kay Bureau of Correction (BuCor) Director Nicanor Faeldon, 11,000 bilanggo ang nakalista para palayain dahil sa nabawasang sentensiya kaugnay sa good conduct time allowance (GCTA) sa ilalim ng Republic Act 10592. Ganunman, 1,000 lamang ang nakapasa sa GCTA. Marami umanong ginawang kasalanan ang mga bilanggong nasa listahan kaya hindi nag-qualified.
Tiyak nang hindi kasama si convicted rapist at murderer Antonio Sanchez sa mga palalayain dahil mismong si President Dutere ang nagsabi na hindi niya ito papayagan. Ayon sa Malacañang, masyadong mabigat ang kasalanan ni Sanchez para ito mapalaya. Nahulihan pa ng shabu at marijuana si Sanchez sa kanyang selda noong 2006. Ganunman, sa interbyu kay Sanchez ng Channel 2, sinabi niyang wala siyang kasalanan sa mga kasong ibinintang sa kanya. Hinatulan si Sanchez ng pitong habambuhay na pagkabilanggo dahil sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta at pagpatay din kay Allan Gomez, mga estudyante ng UPLB noong 1993.
Marami ang nagalit nang ihayag ng Department of Justice (DOJ) na kasama si Sanchez sa mga palalayain dahil nakapagsilbi na ito ng 26 years at nabawasan na ang sentensiya dahil sa GCTA. Lalo pang nagalit ang mamamayan nang sabihin ni Senator Bato de la Rosa, na dapat bigyan ng second chance si Sanchez. Hanggang sa makialam na ang Malacañang sa isyu. Saka lamang humupa ang galit. Ganunman, sabi ng Sarmenta at Gomez family ay mag-aapela pa rin sila sa Supreme Court para hindi mapalaya si Sanchez.
Dapat maging maingat ang Bucor sa pagpapalaya ng mga bilanggo kaugnay sa GCTA. Rebyuhing mabuti. Sabi ni Faeldon, 200 na ang kanilang napalaya mula nang ipatupad ang RA 10592. Hindi na dapat maulit ang nangyari na pati ang rapist-murderer na si Sanchez ay mapapalaya sana. Mag-ingat na sana ang Bucor.