MUKHANG totoo nga ang nakaabot sa aking balita noong nakaraang taon na may pagkamakulit daw si dating National Youth Commission chair Ronald Cardema na nasa gitna ngayon ng kontrobersiya sa kanyang disqualification case sa pagnanais niyang maging Duterte Youth Partylist representative.
Basic lang naman ang kaso ni Cardema na disqualified siya dahil over aged (34 years old) na siya at hanggang 30 years old lang puwedeng maging youth partylist representative.
Mainit ang bangayan nila ngayon ni Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon at mga banta nang kakasuhan siya ng butihing Comelec commissioner.
At sinabi ko na may katotohanan nga ang mga usap-usapang naririnig ko na may pagkamakulit nga raw itong dating NYC chair lalo na sa tuwing may kailangan siya sa mga ranking officials ng pamahalaang Duterte.
Kaya ang resulta--- iniisnab siya ng mga officials na ito.
Ang siste ay walang tigil niyang tinatawagan o ‘di kaya’y tini-text ang mga nasabing officials at namimilit daw sa kung ano man ang gusto niyang mangyari o tulong daw na hinihingi.
At nito ngang huli, inisnab siya ni President Duterte mismo nang sinabi ng Palasyo na huwag idawit ang Malacañang sa problema niya kay Guanzon at maging sa Comelec mismo.
Mukhang mahaba-haba pa ang awayan nina Guanzon na kitang-kita namang hindi siya uurungan ng Comelec commissioner.