EDITORYAL - Siguruhing ligtas sa ASF ang mga karneng baboy

NAGHIGPIT na ang Department of Agriculture (DA) sa lahat ng tindera ng karneng baboy sa buong bansa. Kailangang i-display sa kanilang stalls ang meat certificates para makasigurong dumaan ito sa masusing inspection at ligtas sa African swine fever (ASF). Ayon sa DA, ang mga tindera o tindero na walang kaukulang certificates ay kukumpiskahin ang mga karneng baboy. Ikokonsidera ang mga ito na hot meat. Ang certificates ay dapat inisyu ng National Meat Inspection Service (NMIS).

Ang paghihigpit ng DA ay kasunod nang na­pabalitang tatlong barangay sa Rodriguez, Rizal ang apektado ng African swine fever (ASF) at may mga namatay na umanong baboy. Ito ay ayon sa diagnosis ng Bureau of Animal Industry (BAI). Kahapon, may report na may mga namatay umanong baboy sa Bulacan.

Dahil sa nangyayaring pagkamatay ng mga baboy sa mga barangay sa Rodriguez, isinailalim na ang mga ito sa quarantine. Nagsagawa na rin ng checkpoint para masigurong walang buhay na baboy o karne ang makakalabas sa tatlong bara-ngay. Sinisiguro na ang mga lalabas na baboy o karne ay ligtas at walang ASF.

Nagpayo naman ang Department of Health (DOH) sa mamamayan na lutuing mabuti ang karneng baboy para makasigurong malinis ito at ligtas kainin. Dapat maging maingat at siguruhing ang biniling karne ay dumaan sa inspection ng NMIS.

Na-detect ang ASF sa 19 na bansa, agad na ipinagbawal ang mga karneng baboy na galing sa mga bansang ito. Noong nakaraang taon pa ipinagbawal ang pagpasok ng mga karne na hinihinalang may ASF. Naglagay na ng footbath sa NAIA at iba pang ports para masiguro na walang makakapasok na karneng baboy na may ASF.

Nakapagtataka kung paano nakapasok sa bansa ang ASF sa kabila nang mahigpit na screening. Dapat pang maging mahigpit sa pagbabantay ang mga awtoridad para masiguro na walang makakapasok na karneng may ASF. Ngayong papalapit na ang “ber” months, tiyak na dadagsa ang imported na karneng baboy. Dapat maging mapagmatyag at maki-cooperate ang lahat para hindi na kumalat ang ASF.

Nararapat magpakalat pa ang DA ng grupo ng mga mag-iinspect sa lahat ng wet markets sa buong bansa para makasiguro na walang karne ng baboy na makakalusot. Kadalasan, may mga baboy na inalagaan lamang sa likod ng bahay ay hindi na dumadaan sa inspection.

Show comments