Talent manager ng ‘Ang Probinsyano’, pina-BITAG!
SIKAT na sikat ang teleserye sa isang higanteng istasyon na ang pamagat ay FPJ’s “Ang Probinsyano’’. Maraming sumusubaybay at tumututok. Isang programang pumatok sa panlasa ng mamamayang Pilipino.
Napapanood ko ang mga trailer ng “Ang Probinsyano’’ at nakikita kong may pagkakahawig ang ginagawa nila sa serbisyong ginagawa namin sa BITAG. Ang pagkakaiba namin, sila ay kathang-isip, kami naman true to life.
Ikinagulat ko nang may lumapit sa aming Action Center noong nakaraang Huwebes. Inirereklamo ang talent ma-nager daw ng programang ito. Dalawang investor at isang talent caretaker. Ang isa, December 2018, nag-invest ng P500,000 sa talent agency na pagmamay-ari umano ni Irene Mariano Minor na nagpakilalang talent supplier ng “Ang Probinsyano”.
Pero simula noong April 2019, hindi nagpakita si Minor sa investors. Ngayon ay hindi alam ng mga biktima kung saan hahanapin ang dorobong talent manager. Hindi sa dinadagdagan ko ang sama ng loob ng mga nagrereklamo dahil hindi investment ang kanilang na-ging transaksiyon kay Minor kundi pautang na may tubo.
Ang siste kasi, inaabonohan muna ni Minor ang professional fee ng kanyang talents na sumasalang sa “Ang Probinsyano”. Dahil sa isang malaking programang tulad nito, may mga pamantayan at proseso sa pagbabayad.
Tulad ng ginagawa ng mga tunay na imbestigador, nakipag-ugnayan ang BITAG Pambansang Sumbungan sa pamunuan ng network at sa production ng FPJ’s “Ang Probinsyano”. Ayon sa kanila, wala nang koneksiyon sa kanilang station at sa kanilang programa si Minor.
Makailang ulit na rin daw silang nakatanggap ng mga reklamo hinggil sa kolokay kaya naman napagdesisyunang i-ban na ito sa kanilang station. Isinuka nang tuluyan ng network ang dorobong talent manager.
Makapal ang mukha ng talent manager. Malakas din ang loob para gamitin ang pangalan ng isang malaking station para sa raket niyang panloloko.
Ayon sa kanyang caretaker na kasama ring nagrereklamo ng investors, hanggang sa ngayon ay kinakaladkad ni Minor ang pangalan ng network at programa para makapanloko. Ngayon ay nagtatago na si Minor. Tanging hiling ng mga biktima, mahanap ang may atraso sa kanya at mabigyang babala ang publiko para hindi mabiktima.
Kaya sa ibang nagbabalak na mag-invest sa ganitong klaseng industriya, panoorin ang buong istorya sa aming Youtube Channel, Bitag Official, upang maiwasan n’yong magantso ng mga loko-lokong tulad ni Irene Mariano Minor. Nakabalandra roon ang kanyang pagmumukha pati na rin ang panawagan ng kanyang mga biktima.
- Latest