MANANAGOT daw ang mga Pilipinong nasa China kapag nasaktan ang mga Chinese na nasa Pilipinas. Ito ang banta naman ni Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin Jr. kaugnay sa namatay na Chinese na nahulog mula sa isang gusali. Nakaposas si Yang Kang sa parilya ng bintana ng gusali nang matagpuan. Nabaklas ang parilya pero nang sinubukan yatang tumakas ay nahulog mula sa ika-anim na palapag.
Ang kapwa Chinese na supervisor ni Yang Kang ang pumosas umano sa kanya dahil sa pagkakautang. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit ang banta ni Locsin ay sa mamamayang Pilipino.
Nang pinatay si Jee Ick Joo sa loob mismo ng Camp Crame, naglabas ba ng babala ang DFA na mananagot naman ang mga Pilipino sa South Korea? Nagbanta ba ang South Korea sa mga Pilipinong OFW? At ano naman ang kinalaman ng oposisyon sa isyung ito?
Hindi ba’t ang administrasyong ito ang hinihimok ng China na imbestigahan nang mabuti ang pagkamatay ni Yang Kang? At tila may paalaala rin na kung mahuli ang salarin ay dapat maayos ang pagtrato sa kanya at respetuhin ang kanyang mga karapatan. Parang may pahiwatig na iba dapat ang pagtrato sa kanya kumpara sa karaniwang pagtrato ng pulis sa mga Pilipinong nahuhuli.
Maraming kababayan natin ang nagdurusa sa kamay ng kanilang mga amo sa iba’t ibang bansa. Binabantaan ba natin ang mga mamamayan naman nilang nasa bansa? Wala bang masabing maganda si Locsin pagdating sa pagiging Pilipino?
Noong hindi pa lumalabas ang opisyal na resulta sa imbestigasyon sa insidente sa Recto Bank ay nagpahayag na hindi maganda ang posisyon ng mga mangingisda ng Gem-Vir 1 pero lumabas na mas malaki ang pananagutan ng bumanggang barko sa kanila na hindi naman niya kaagad binanggit.
Ang kasalukuyang posisyon ng bansa patungkol sa China rin ang problema. Tila napakaingat ng administrasyon na hindi galitin o yamutin ang gobyerno ng China at mga mamamayan nito. At sino ang naglagay sa bansa sa posisyon na iyan?
Kung magbabanta ang China sa ating mga kababayang nasa kanilang bansa dahil sa krimeng naganap sa isa nilang kababayan dito na ang kapwa nilang kababayan naman ang salarin, anong klaseng kaibigan pala iyan?