ANG nangyari sa transgender woman na si Gretchen Custodio Diez na hindi pinagamit ng comfort room para sa mga babae sa Farmer’s Plaza, Cubao, Quezon City ay isang hudyat sa mga kinauukulan para gumawa ng sariling restroom para sa lesbian, gay, bisexual and transgender (LGBT) community. Napakasimpleng problema ito at madaling resolbahin para hindi na maulit ang mga pangyayari kung saan lagi nang naaagrabyado ang mga LGBT. Hindi ito dapat mangyari kaya ang solusyon, sariling comfort room para sa kanila at tapos ang problema.
Pinosasan si Diez ng mga security guard ng mall makaraang makipagtalo sa janitress nang ayaw siyang pagamitin ng comfort room para sa mga babae. Ayon kay Diez, pinagtabuyan siya ng janitress at sinabihang doon siya mag-CR para sa mga lalaki. Nakipagtalo siya sa janitress hanggang sa makialam na ang mga guard at pinosasan siya at dinala sa Quezon City Police Department (QCPD) Station 7. Ayon naman sa janitress, nagalit lalo siya kay Diez sapagkat kinunan pa siya nito ng picture at pinost sa Facebook ang pangyayari. Nagbanta siyang idedemanda si Diez dahil sa pagkuha ng picture. Sabi naman ni Diez, irereklamo niya ang pamunuan ng mall dahil sa hindi makataong pagposas at pagpapaalis sa kanya ng mga guard.
Makaraang mai-post sa Facebook ang hindi pagpapagamit ng comfort room kay Diez, bumuhos ang suporta sa kanya ng LGBT community. Sumugod ang maraming grupo at kinokondena ang di-makatao o indiskriminasyon laban kay Diez. Hindi anila makatarungan ang ginawa kay Diez.
Ang insidenteng ito ay dapat magbukas sa isipan ng mga namumuno para gumawa na ng restroom para sa LGBT. Umpisahan ito ng mga local government unit (LGU). Hindi na kailangang dumaan pa sa kung anu-anong pagtatalo ng mga mambabatas ang pagtatayo ng ikatlong restroom. Agarang magpagawa para magamit ng LGBT. Sa ganitong paraan, maiiwasan na ang mga insidente kung saan may nagkakasakitan o nagbubunga ng karahasan. Madali lang solusyunan ang problemang ito.