Pekeng gamot nakamamatay
MAY mga taong nangangailangan na ng maintenance medicine dahil kung wala ito, maaari silang mamatay. Totoo ito lalo pa’t ang pasyente ay may malubhang sakit sa puso. Kaya nakadidismayang malaman na ang Pilipinas daw ay pinakamataas ang insidente ng paglaganap na pekeng gamot sa buong Asya.
Ito ay ayon sa report ng United Nations Office on Drugs and Crimes (UNODC). Wake up call ito sa Food and Drugs Administration (FDA) para gumawa ng karampatang aksyon dahil buhay ng maraming mamamayan ang nanganganib kung hindi masasawata ang ilegal na pagsasapamilihan ng mga palsipikadong gamot na ito.
Ang pekeng gamot ay isang transnational crime ng mga pandaigdig na sindikatong kriminal, kaya maaaring hindi sa ating bansa ginagawa ang mga mapanganib na produkto. Kaya kung nakaalerto ang pamahalaan laban sa pagpupuslit sa loob ng bansa ng mga bawal na droga, dapat ding umalerto laban sa mga pekeng gamot na nakamamatay. Seryosong isyu ito.
Karamihan daw sa mga spurious products na ito ay mula sa Pakistan, China at India na nakakapuslit sa loob ng bansa sa pamamagitan ng mga illicit trade networks. Tiyak ko naman na may intelligence network ang gobyerno na madaling tumukoy sa mga iyan upang maputol ang kanilang panloloko na nagsasapanganib sa buhay nating mga Pilipino.
Minsan, ang mga kababayan natin ay naghahanap ng gamot na mas mababa ang halaga kaysa mga branded na saksakan ng mamahal. Aba’y natural. Sa mahal ng mga gamot ngayon, siyempre maghahanap ka ng mura. Pero minsan, sa kakahanap, nakakakita nga tayo ng mura pero wala namang bisa dahil palsipikado. Ang pinakamabuting gawin ay bumili ng gamot sa mga mapananaligang botika at huwag sa mga hindi kilala ang pangalan. Madalas kasi, ang mga kadudadudang gamot ay ibinabagsak lang sa mga botika o tindahang walang pangalan.
Kaya kung mura at mabisang gamot ang hanap, may mga kilalang generic pharmacies naman na mapupuntahan. Kaya nga may generic law tayo ay para sa kapakanan ng mga mahihirap na mamamayan. At maging ang mga pinakasikat na drugstores ay mayroon ding generic products at puwede kayong magtanong kung naghahanap kayo ng mas mura kaysa mga branded medicine.
- Latest