EDITORYAL - Itaas ang excise tax sa alak
NOONG nakaraang linggo, napabalita ang pananaksak ng isang lalaki sa kanyang kainuman nang magtalo sila sa isang maliit na bagay. Napatay ang kainuman. Nakakulong na ang lalaki at maaaring pagdusahan ang pagkakapatay sa kanyang kainuman. Nangyari ang krimen sa probinsiya.
Kamakalawa, isang batang lalaki ang nasagasaan ng motorsiklo dakong alas siyete ng gabi sa isang bayan sa Laguna. Bibili sa tindahan ang bata nang masagasaan ng motorsiklo. Namatay ang bata ilang oras makaraang isugod sa ospital. Sumuko naman sa pulisya ang nakasagasa at napag-alaman na galing ito sa inuman. Lasing na ang lalaki pero pinilit pa ring magmotorsiklo. Huli na ang lahat sapagkat nakapatay na siya.
Dahil sa sobrang pag-inom ng alak kaya nangyari ang mga nakalulunos na insidente. Halos araw-araw, may namamatay sa kalsada dahil sa pagmamaneho ng lasing. Ayon sa report, pinakamataas ang aksidente sa kalsada sapagkat lasing ang driver. Wala na siyang kontrol sa manibela. Huli na para malaman na nabangga siya at nakapatay.
Sa mga nangyayaring ganito, dapat itaas pa ang excise tax sa alak para mabawasan ang mga iinom na ito. Kung mataas ang presyo ng alak, ang makabibili lang ng mga ito ay mayayaman. At dahil dito, mababawasan na ang aksidente na karaniwang kinasasangkutan ng mga lasing.
Kung wala nang makaka-afford na bumili ng alak, malaki ang tsansa na marami ang hindi magkasakit. Karaniwang cancer sa atay at sakit sa pancreas ang nagiging sakit ng mga sugapa sa pag-inom ng alak. Malaki ang nagagastos ng gobyerno sa mga nagkakasakit dahil sa sobrang pag-inom ng alak.
Itaas ang tax sa alak gaya rin nang pagtataas sa excise tax ng sigarilyo. Ito ay para ma-discourage ang marami na umiwas sa pag-inom. Kung mataas ang tax sa alak, malaki ang mapapakinabangan ng gobyerno sapagkat may maipopondo sa Universal Health Care ng pamahalaan. Bilyong piso ang kikitain sa loob ng isang taon at malaking halaga ito na makakatulong sa kampanya ng gobyerno para makaiwas sa sakit ang mga Pilipino.
Pagbuhusan sana ng pansin ng mga mambabatas ang panukalang pagtataas sa tax sa alak para mapakinabangan sa hinaharap. Siguradong malaki ang malilikom na pondo mula rito. Trabahuhin na ito ng mga bagong halal na mambabatas.
- Latest