“HINDI ako panig sa sinasabi mo, pero ipagtatanggol ko hanggang kamatayan ang karapatan mong sabihin ‘yon,” sinulat ni Evelyn Beatrice Hall sa biography ni Voltaire, 1906. Napakalakas na depensa sa kalayaang magsalita. Hindi pa sinusulat ang kasaysayan, laganap na ang konsepto ng pagbibigayan sa pananaw ng isa’t isa; kundi’y naubos na sana ang tao dahil nagpatayan hanggang sa huli. Marami ring sinaunang sibilisasyon na nagtaguyod ng pagtitimpi. Tandaan sana ‘yan ngayon, bago mag-troll, magmaliit, at manglait sa social media ng hindi nagugustuhang sinasabi ng iba.
Umangat ang karunungan, agham at ekonomiya ng ancient Egypt, Rome, at Greece dahil sa pagbibigayan. Naging malayang paunlarin ng indibidwal o grupo ang ideya, at nakatulong sa lipunan; halimbawa ang mga imbensiyon na nagpadali sa pag-ipon ng maiinom at pagpadami ng pagkain. Pero nang sikilin ng mga namumuno o ng kulto ang kalayaan ng pagbigkas -- halimbawa pinainom ng lason si Socrates -- bumagsak ang mga kabihasnan. Naulit pa ‘yan sa Ottoman Empire, na daan-taong isinabatas ang pagtitimpi sa katwiran ng iba. Pero nu’ng dalhin doon ang away-away ng ilang sekta ng Kristiyano, Muslim, Jehovah, at iba pa, naggiyera-giyera ang mga bansa. Wasak!
Sa panahon ng Facebook, YouTube at Twitter, ang dali nang maglahad ng sinasaloob. Lahat malayang lumahok. May mga umaabuso, nanghihikayat ng poot at karahasan. Binabawal sila at hina-hunting ng mga awtoridad dahil maaaring terorista.
Karamihan sa social media ay mapayapang nagpapahayag. Pero merong mga hindi marunong tumanggap at sinasagot sila nang pabalang. Ginagamit ng trolls ang teknolohiya para gunawin ang modernong mundo. Huwag silang pahintulutang ulitin ang mga mali ng kasaysayan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).