EDITORYAL - Huwag bibitaw sa pag-alis sa mga sagabal

BAGO pa ang utos ni President Duterte noong Hulyo 22 na bawiin sa vendors ang inokupang kal­sada para mapaluwag ang trapik, sinimulan na ito ni Manila mayor Isko Moreno noong Hulyo 1. Kaya marami na siyang na-clear na kalsada, parti­kular ang Divisoria. Marami ang nagtaka sapagkat­ may kalsada pala sa Divisoria – four lane pa. Hanggang ngayon --- mahigit isang buwan na sa puwesto­ si Moreno, malinis ang Divisoria at tuluyan na ngang naagaw sa mga abusadong vendors. Bukod sa Divisoria, nilinis din ang Recto Avenue, Raon, Carriedo at Rizal Avenue.

Tinularan si Isko ng iba pang mayor. Naging maluwag din sa Quezon City makaraang ipag-utos ni Mayor Joy Belmonte na alisin ang mga naka-park na sasakyan sa main road ganundin ang mga vendors na halos sa gitna na ng kalsada nagtitinda. Tinanggal din ang mga illegal stalls at ibang istruktura sa kalsada. Ang isang hindi mawalis sa QC ay ang mga naghambalang na pampasaherong bus at iba pang sasakyan sa East Avenue sa tapat ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa San Juan, bawal na ang mag-park sa kalsada. Hinihila ang mga sasakyan at ginigiba ang mga iba pang istruktura na sagabal sa daloy ng trapiko. Malinis na rin sa Baclaran, Parañaque. Marami rin ang na­gulat sapagkat may kalsada raw pala sa malapit sa Redemptorist Church. Naagaw din ang kalsada sa mga pasaway na vendor na noon ay nakikipagpa­tin­tero sa mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Itataboy noon ng MMDA ang ven­dors subalit pagtalikod nila, nandiyan na naman ang mga pasaway. Ang mga basurang iniwan ng vendors ang nagpapalubha sa baha. Bumabara ang mga plastic na supot sa drainages.

Maraming lungsod na sa Metro Manila ang tuma­lima sa utos ng Presidente at ngayon ay nakikita na ang pagbabago at pagluwag ng trapiko. Binigyan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mga mayor sa Metro Manila ng 60 araw para ganap na maalis ang mga sagabal sa kalsada.

Sana tuluy-tuloy na ang paglilinis sa kalsada. Hindi sana bumitaw ang mga mayor sa MM sa pagwasak sa mga obstruction para lumuwag ang mga kalsada. Sana hindi ningas-kugon ang ipinakikitang pagba­bago at paglilinis.

Show comments