May phobia na sa Dengvaxia

DAHIL sa paglobo ng bilang ng mga kinapitan ng den­gue­ fever, ipinanunukala ni dating Health Secretary na nga­yo’y Iloilo Representative Janet Garin na ibalik ang kontrobersyal na Dengvaxia vaccine. Payag daw si Presidente Duterte sa panukala sa kondisyong irereko­menda ito sa kanya ng mga eksperto. Ngunit may magrerekomenda kaya na gamitin uli ang bakunang ito kasunod ng mara­ming bilang ng mga bata na namatay dahil sila’y nabakunahan nito?

Isa pa, kahit ibalik ang bakuna, malamang, ang marami nating kababayan ay matatakot nang ipabakuna ang ka­n­i­­lang mga anak matapos nagsulputan ang kaso ng mga batang namatay dahil dito. Katunayan, sa tingin ko ay nag­karoon na ng matinding takot ang mga mamamayan hindi lang sa Dengvaxia kundi sa lahat ng bakuna. 

Magugunita na noong magkaroon ng mataas na kaso ng tigdas, ayaw na ring pabakunahan ng mga magulang ang kanilang anak ng anti-measles.

Nasa 160-libo na ang naitalang kaso ng dengue sa bansa at may 600 na ang namamatay sa sakit na ito mula lamang nung Enero. Idineklara na ng pamahalaan ang dengue epidemic dahil sa hindi masawata ang pagkalat ng sakit na ito na dala ng kagat ng lamok.

Aminin natin na sa lumulubhang epidemyang ito, kaila­ngan ng bakuna. Pero kung Dengvaxia ang gagamitin, payag ba kayong ipagbakasakali ang inyong buhay at buhay ng inyong mga anak? At kung gamitin muli ito at ma­rami na naman ang mabibiktima, sino ang mananagot? Siyempre ang gobyerno ang idedemanda ng taumbayan na nabiktima.

Kahit ang Chief Public Attorney na si Percida Acosta ay matigas na tumututol sa panukalang gamitin uli ang kontrobersyal na bakuna dahil siya mismo ang humawak­ sa kaso ng mga pamilyang namatayan­ dahil sa Dengvaxia. Kaya kahit may magrekomenda sa Pangulo, pakaisipin ito ng libong ulit bago sang-ayunan.

The record speaks for itself at nakatala dito ang bilang ng mga naghihinagpis na magulang na nawalan ng anak dahil sa bakunang ito.

Show comments