Magkakaalaman na

PUPUNTA muli si Pres. Rodrigo Duterte sa China nga­yong buwan. Ito ang ika-limang beses na pagpunta niya sa China. At ayon sa kanyang tagapagsalita, ilalatag na raw ang napanalunang desisyon sa UN Permanent Court of Arbitration (PCA) sa Beijing. Pag-uusapan din ang joint oil exploration sa West Philippine Sea. Ito na raw ang panahon para ilabas ang desisyon na iyan sa China.

Kailan lang ay naghain muli ang bansa ng protesta sa China dahil sa kuyug ng barkong pangisda malapit sa isla ng Pagasa. Hawak ng bansa ang isla at kasalukuyang inaayos ng gobyerno. Umalis na umano ang karamihan pero may mga natitira pa. Dapat isama na rin sa talakayan ang paghango ng napakaraming taklobo ng China pati na rin ang insidente sa Recto Bank. Hanggang ngayon ay wala pang balita kung pinarusahan o minultahan ang mga tripulante ng Chinese vessel na bumangga sa Gem-Vir 1.  

Hindi ko pa masabi kung ano ang magiging reaksyon ni Chinese Pres. Xi Jinping kapag inilabas na ni Duterte ang napanalunang kaso ng bansa. Alam ko na hindi kini­kilala ng China ang naganap na pagdinig at desisyon ng PCA. Alam ko rin, batay sa kuwento ni Duterte, na nag­banta ng digmaan si Xi Jinping kapag mag-isang nag­hanap ng langis ang bansa. Hindi ako naniniwalang mag­dedeklara ang China ng digmaan sa Pilipinas kung alam na kaalyado pa rin ang Amerika. At lalong hindi dahil nais makapangisda ang ating mamamayan nang malaya sa buong karagatan. Kaya tama lang na ilabas ni Duterte ang desisyon ngayon dahil tila nagigng agresibo muli ang China sa paligid ng Pag-asa island.

Magkakaalaman na kung talagang kaibigan ng China ang Pilipinas o kung kaibigan lang kapag nakukuha nila ang nais nila. Makikita rin na kapag talagang ilalabas ni Duterte ang desisyon, kung matutuloy pa rin ang mga tulong-pinansyal at mga malalaking proyektong imprastratura at iba pa. Nataon naman na palayag ang isang corvette na hindi na ginagamit ng South Korea, ang BRP Conrado Yap. Siguradong hindi rin ito ikatutuwa ng Beijing.      

Show comments